EB scholar na nag-top sa CE board exam inialay ang tagumpay sa yumaong tatay


PROUD na proud ang buong Eat Bulaga family sa EB scholar na si Jaydee Lucero matapos itong mag-top sa katatapos lang na Civil Engineering licensure examination. Nakakuha si Jaydee ng 97.20 passing rate at nanguna sa humigit 13,000 examinees ngayong taon.

Naka-graduate bilang magna cum laude mula sa University of the Philippines, Diliman, anim na buwang nag-review ang 22 anyos na binata para sa board.

“Mahirap yung buong six months ng review kasi focus lang talaga ako for the board exams. In-expect ko na papasa ako pero yung mag-number one, hindi talaga kasi marami akong kilala na mas magaling sa akin and during the exam day itself, may mga topic na na-challenge talaga ko,” ani Jaydee.

Aniya pa, ang kanyang ina ang matiyagang nagbantay sa Professional Regulation Commission’s (PRC) website para sa resulta ng exam.

“Si Mama ang pinaka-excited talaga nu’ng lumabas yung result. Ilang beses niyang tinitingnan yung website ng PRC if lumabas na ba yung result. Siya yung unang nagbalita sa akin at sobrang happy niya nang makita na nag-top ako,” kuwento pa ni Jaydee.

Bunso sa dalawang magkapatid, si Jaydee ay produkto ng scholarship program ng Kapuso noontime show na Eat Bulaga Excellent Student Awards or “EBest”.

Inilunsad noong 2009, ang EBest Awards ay isang programa na nagbibigay ng scholarship grant sa mga outstanding elementary, high school and college students mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Napagkalooban ng EB si Jaydee ng high school and college scholarship, monthly allowances at annual cash assistance para sa iba pa niyang pangangailangan sa iskul.

Ayon kay Jaydee, kung hindi dahil sa Eat Bulaga, malamang ay hindi na siya nakapag-college, “Hanggang ngayon hindi ko pa rin ma-explain kung gaano ako kasaya na isa ako sa mga napili ng EB.”

Aniya pa, para na rin siyang naka-jackpot sa lotto, “Para na rin akong nanalo kasi after ilang years ng pag-aaral, puyat, pagod at sa napakaraming challenges may ganito palang blessing na darating sa buhay ko. Dahil sa sipag at tiyaga at sa tulong ng mga mabubuting tao, unti-unti ko nang nakakamit ang mga pangarap ko.”

q q q

Isa sa mga pagsubok na hinarap ni Jaydee ay ang pagpanaw ng kanyang ama dalawang taon na ang nakararaan dahil sa liver cancer, “Nu’ng nawala si Papa, isa yun sa pinakamahirap at pinakamadilim na pangyayari sa buong pamilya namin. Pero pinilit naming magpakatatag kaya dine-dedicate ko talaga kay Papa ang lahat ng ito. Ako yung magpapatuloy ng mga pangarap niya para sa amin.”

Saad pa ng binata, itinuro ng Eat Bulaga sa kanya ang pagkakaroon ng positive outlook sa buhay, “Maliban sa assistance na ibinigay nila, ang impact talaga nila sa akin eh yung outlook ko sa buhay na hindi porket nasa lower class of society ka, wala ka nang chance para baguhin ang future mo. Meron ka pa rin kakayanan na tuparin ang iyong mga pangarap.”

Sa ngayon, nakatanggap na si Jaydee ng job offer mula sa ilang design and construction firm sa bansa. Ngunit maliban sa pagkakaroon ng maayos na trabaho, nais nito na mai-share ang oportunidad at tulong na ibinigay sa kanya ng programa.

“Ang dream ko talaga ay makapag-give back. Ang ultimate goal ko talaga ay makapagturo para maipasa ko rin yung knowledge and opportunity na pinagkaloob sa akin ng programa,” lahad pa ng EB scholar.

Para naman sa kanyang advice sa mga estudyanteng nagnanais din na makapagtapos ng pag-aaral, laging sundin ang payo ng magulang, mag-aral ng mabuti at magkaroon ng confidence sa sarili.

“Patuloy lang kayo sa pagsusumikap para matupad ang mga pangarap ninyo sa buhay dahil kung nakaya ko, kaya n’yo rin. At kung may mga pagsubok man na ibato sa inyo, kailangan positive lang lagi at kung nawawalan na ng pag-asa, kailangan mo lang isipin kung kanino mo idini-dedicate ang pagsusumikap mo na ito. Kailangan din may tiwala sa sarili and most importantly, always seek guidance from the Lord,” pagtatapos ni Jaydee.

Read more...