Auction firm exec tinumba

NASAWI ang kilalang negosyante, na pinuno ng isa sa pinakamalaking auction firms sa bansa, nang pagbabarilin ng di pa kilalang salarin sa labas ng hotel sa Subic Bay Freeport Zone, Miyerkules ng gabi.

Agad ikinasawi ni Dominic Sytin, founder at chief executive officer ng United Auctioneers Inc. (UAI), ang tama ng bala sa likod at ulo, sabi ni Chief Supt. Joel Napoleon Coronel, direktor ng Central Luzon regional police.

Nagtamo naman ng mga tama ng bala sa kanang braso at katawan ang bodyguard ni Sytin na si Efren Espartero, nang pagbabarilin din ng salarin.

Naganap ang insidente pasado alas-8, sa tapat ng Lighthouse Hotel sa Waterfront road.

Papasok si Sytin sa hotel nang malapitang pagbabarilin ng isang lalaki. Nang makita ito’y sinubukang gumanti ni Espartero, ngunit maging siya’y pinaputukan din, ani Coronel.

Matapos iyo’y naglakad palayo ang salarin at sumakay sa motorsiklong minaneho ng isa pang di kilalang tao, aniya.

Bumuo na ang pulisya ng special investigation task group para alamin ang pagkakakilanlan, kinaroroonan, at motibo ng salarin, ani Coronel.

Bukod sa pagiging isa sa pinakamalaking auction firms sa bansa, kilala ang UAI sa pag-sponsor sa women’s volleyball team ng University of the Philippines.

Read more...