ARESTADO ang isang Korean national at kanyang kasabwat matapos mahulihan ng P2.2 bilyong halaga ng kemikal at paraphernalia na ginagamit sa paggawa ng shabu sa Pasig City.
Batay sa police report, unang nakumpiska mula sa isang Marvin Yu ang 250 gramo ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Caloocan City noong Miyerkules ng umaga.
Nagsagawa ng isang follow-up operation laban sa kasabwat ni Yu na si Kim Jong Hee, isang Korean national at pinaniniwalaang chemist, na nahulihan din ng 250 gramo ng shabu sa isinagawang buy-bust.
Idinagdag ng pulisya na matagal na nilang sinusundan si Kim para malaman ang pinanggagalingan ng malaking halaga ng iligal na droga.
Nagresulta ito para marekober ng mga otoridad ang Toyota Grandia ni Kim sa isang parking lot sa Barangay San Antonio, Pasig City.
Natagpuan mula sa loob ng kanyang sasakyan ang dalawang container at apat na water jug na 50 porsiyento nang naproseso para maging shabu, 26 sako ng ephedrine, mga glass mixer, mga galon ng kemikla, mga kahon ng acetone, at iba pang materyales sa paggamit ng shabu.
Idinagdag ng pulisya na maaaring makagawa ng 325 kilo o P2.2 bilyong halaga ng shabu sa mga narekober na kemikal.
Nasa kustodiya na sina Yu and Kim ng pulisya at nahaharap sa mga kaso.