“KAHIT Ayaw Mo Na.” ‘Yan ang titulo ng bagong pelikula ng Viva Films, Blue Art Productions at Spark Samar na pagbibidahan nina Empress Schuck, Kristel Fulgar at Andrea Brillantes mula sa script at direksyon ni Bona Fajardo.
Isa itong barkada movie kung saan magsasama-sama ang tatlong babae na may kanya-kanyang bitbit na sikreto na nakatakdang mabunyag pagdating nila ng Samar. Nagkita-kita sila sa isang bread and breakfast.
Ayon kay direk Bona, “Lahat sila doon nag-check-in na ang may-ari ng bahay ay parents ni Andrea (sa character na Ally).”
At dahil pawang busy ang mga bida ng “Kung Ayaw Mo Na” sa loob ng 14 shooting days ay apat na araw lang daw sila nabuong lahat.
“Sa apat na araw na ‘yun, kailangang magkakasama sila para sa mabibigat na eksena na halos inumaga kami kasi kailangang siksikin, at cooperative naman sila kahit nagkapuyatan kami dahil sa schedules nila. Doon kami nahirapan pare-pareho,” kuwento ni direk Bona sa nakaraang presscon ng pelikula.
At dahil locked-in ang mga bida sa Samar kaya natanong isa-isa kung ano ang naging experience nila roon.
Naunang sumagot si Kristel, “Masaya po ‘yung experience ko kasi masayang kasama ang cast para po kaming buong pamilya. Nagkaroon nga po kami ng sepanx (separation anxiety) pagkatapos ng shooting. Ang ganda-ganda po talaga ng Samar kasi since food blogger (ginagampanang karakter) po ako kaya nalibot ko po lahat ng tourist spots.”
Sabi naman ni Andrea, “Si ate Kristel po talaga ang pinakanakasulit do’n, eh kasi siya ‘yung blogger, sayang nga hindi namin nakita.”
Singit ni Kristel, “May mga gusto pa nga po sana kaming gawin pero hindi na nagawa kasi kulang na po sa time.”
“Ako naman po ang experience ko, masaya on the part na nakawala ka sa Maynila, kasi di ba dito mausok, tapos trapik kaya masaya sa pakiramdam na nasa probinsya ka, gusto ko kasi ‘yun, eh, tahimik nakakapag-relax ka. Kahit isang linggo lang, nakaka-miss talaga ‘yung laging kasama mo sa buhay mo,” kuwento ni Empress.
q q q
Mahirap daw ang shooting nila dahil wala silang sinayang na araw at nag-travel pa sila by land ng ilang oras para makarating sa mismong location.
“Shooting po kami ng shooting, nakakapagod kasi kahit umaga na kami napa-pack up, maaga pa rin ang call time, so ‘yung puyat lang po talaga ang pinaka-challenge roon,” kuwento pa ni Empress.
Nagpasalamat din si Kristel sa tiwalang ibinigay sa kanya ng Blue Art Productions dahil first lead role niya ito kumpara sa ibang pelikulang nagawa niya na pawang support roles.
Samantala, natanong naman si Andrea kung mabait ba ang karakter niya sa “Kung Ayaw Mo Na” kumpara sa serye nilang Kadenang Ginto kung saan hate na hate siya ngayon ng mga nanonood dahil sa pagiging kontrabida.
“Opo mabait po ako, pero typical teenager, minsan sumasagot din, may mood swings. Sobrang malayo sa role ko sa Kadenang Ginto, napakamaldita ni Marga (karakter sa serye). Dito typical teenager po na may mga hugot din,” sagot ng dalagitang aktres.
Showing na sa mga sinehan ang “Kung Ayaw Mo Na” sa Dis. 5 nationwide. Sana ay mabigyan kami ng pagkakataon na mapanood ang pelikulang ito para malaman namin kung ano ang mga sikretong itinatago ng buong cast sa Samar mula sa direksyon ni Bona Fajardo.