Female celeb nilayasan ang asawang sukdulan ang katamaran

NAGING maayos at tahimik ang relasyon ng isang showbiz couple nang mahabang panahon. Walang anumang balita ng pag-aaway nila, walang kuwentong hindi sila nagkakasundo, maaliwalas ang buhay ng mag-asawa.

Sino nga ba ang mag-aakala na sa tagal ng panahong nagkakasundo sila ay biglang sasabog ang balita na hiwalay na pala sila?

Kuwento ng aming source, “Maraming nagulat, maraming nagtaka dahil wala ngang nakakaalam na meron na pala silang problema. Napakaganda kasi ng pagsasama nila, tanggap nila ang mga nakaraan nila, wala talagang nag-isip na sa hiwalayan din pala magtatapos ang pagsasama nila,” napapailing na kuwento ng aming impormante.

Wala silang sinasabing dahilan kung saan nag-ugat ang kanilang hiwalayan, wala rin daw third party, kaya ano nga ba ang dahilan ng pagkakani-kanya nila ng landas?

Balik-chika ng aming source, “Ang kuwentong ito, eh, galing mismo sa mga taong may alam sa relasyon nila. In short, mga taong close sa kanila. Meron silang alam, pero hindi rin nila inasahan na mauuwi pala sa wala ang mahabang panahon ng pagsasama nila.

“May kabigatan daw ang katawan nu’ng lalaki. Masipag kasi ang girl, lahat na lang, e, pinapasukan niya, basta pagkakakitaan. Hindi siya nahihiyang magtinda, mag-alok ng kung anu-anong kagamitan sa mga kaibigan niya. Basta pagkakakitaan, go lang ang girl!

“Pero ang lalaki naman, e, para bang okey na sa ganyang buhay niya. Palagi lang siyang nasa bahay, ano pa nga ba ang ginagawa ng isang taong palaging nasa bahay lang? E, di tulog lang nang tulog!

“May mga pinagsabihan na pala siyang friends nu’n na parang nanghihila ng katamaran ang partner niya, kasi nga, habang work siya nang work, e, ayun naman ang asawa niya at patulug-tulog lang!

“Matiisin lang talaga ang girl, martyr nga ang tawag sa kanya ng mga kaibigan niya, e. Mahabang panahon ang tiniis niya, hanggang sa one day, ‘yun na!

“Sumabog na rin siya. Hindi na niya kinaya ang lahat-lahat, kailangan na niyang magdesisyon dahil maraming bibig na umaasa sa kanya. Ang katamaran ng guy ang dahilan.

“Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, ganu’n nga yata ang gulong ng buhay. Hindi mo alam kung ano ang mangyayari sa iyo. Minsang nasa ilalim, minsan namang nasa ibabaw ka,” pagtatapos ng aming source.

Read more...