Day-off ng OFW sa HK, hindi kapritso lang!

IPINAGLALABAN ng mga OFW sa Hong Kong ang pagsasakatuparan ng 11 hour-uninterrupted day-off nila.

Nais nilang nakapaloob ito sa probisyon ng kanilang employment contract.

Kahit kasi nataguriang restday, inuutusan pa rin sila ng kanilang mga employer. Sabagay, iba rin naman kasi ang ugaling Pinay.

Sa katotohanan, hindi rin nila kayang tiisin kung kinakailangan naman talagang kumilos sila sa mga bahay ng amo.

Halimbawa, paano niya matitiis ang alagang walang tigil sa pag-iyak? Kaya ba niyang pagmasdan lamang ang mga anak ng amo na nagkakarambola at maaaring madisgrasya samantalang abalang-abala naman sa mga gawaing bahay ang kanyang employer?

Siyempre, hindi! Kikilos at kikilos siya dahil may malasakit ito sa pamilya ng employer. Gayong alam niyang pinaglilingkuran niya sila, pero sa likod ng kaniyang pag-iisip, sila pa rin ang mga taong nagbibigay sa kaniya ng trabaho kung kaya’t nakakapagpadala siya ng pera sa pamilya para sa pampaaral, pagkain at damit ng mga ito.

Pero hindi rin talaga maiiwasan na may mga abusado rin namang mga amo. Na kahit day-off na ng kanilang kasambahay, para bang ang sama ng loob ng mga itong makitang namamahinga at walang ginagawa ang ating mga OFW.

At dahil sagana naman sa pamamaraan ang Pinoy, nakaisip sila ng estratehiya upang makapag-day-off nang hindi naaabala.

Mag-uusap ang magkakaibigang OFW at mapag-kakasunduang mag renta ng isang apartment kung saan puwede silang matulog doon ng maghapon sa mga araw ng kanilang day-off.

Ang iba naman, para makabawas sa kanilang renta, patutuluyan ng mga turistang kamag-anak at kaibigan upang sa halip na gastusin sa hotel, iaabot na lang iyon sa OFW.

Malaking bagay nga naman ‘yun! Tumatanda na rin naman ang ating mga OFW, hindi sila palaging bata, at kailangang-kailangan ng sapat na pamamahinga ng kanilang mga katawan.

May mga OFW kasi tayong kahit ayaw pang umuwi ng Pilipinas, at nagustuhan naman siya ng amo dahil sa kanilang galing at katapatan, mapipilitan silang bumalik kung mismong mga katawan na nila ang sumusuko.

Hindi maiiwasan ang pagkakasakit. At sa halip na mag-enjoy sa kanyang pagbabalik ng bansa at makapahinga na rin kahit paano, magugupo ito sa banig ng karamdaman at ang malungkot pa nga minsan, kung hindi maagapan at huli na ang lahat, na humahantong sa kanilang mga kamatayan.

Hindi kapritso ang pagkakaloob ng day-off sa ating mga OFW. Karapatan nila iyon upang tratuhin bilang tao dahil kailangang ipahinga ang pagod na mga katawan ng ating mga OFW mula sa mabibigat na trabaho.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com

Read more...