Toni umaming umabot sa ‘mu’ ang relasyon kay Sam; pero nag-break dahil sa 3rd party


SA nakaraang guesting ni Toni Gonzaga-Soriano sa Gandang Gabi Vice last Sunday ay naikuwento nitong ang asawa niyang si Direk Paul Soriano ang mismong pumili kay Sam Milby bilang leading man nila ni Alex Gonzaga sa pelikulang “Mary, Marry Me”.

Ito ang official entry ng Ten17 Productions sa 2018 Metro Manila Film Festival na magsisimula sa Dec. 25.

Sa tanong ni Vice kung hindi ba nagselos si direk Paul kay Sam dahil alam naman ng lahat na nagkaroon sila ng special friendship noon, “Hindi siya nagselos kay Sam, wala siyang isyu.”

Sa tanong ni Vice kung napag-usapan ba nila ni Sam ang kanilang nakaraan habang nagsu-shooting, “Surprisingly napag-usapan namin, may importante kasing scene sa pelikula na kailangang i-tackle ‘yung past.

“Pinag-usapan namin kasi kailangan hindi dahil doon sa past experience namin kundi what we learned from those experiences na pinagdaanan namin, not necessarily ‘yung sa amin.

“Siya ‘yung sa mga ex (girlfriends) din niya, tapos ako kung ano ‘yung na-experience ko nu’ng nag-MU kami. Oo alam naman ni Paul ‘yun na may mutual understanding talaga kasi ‘yung time na ‘yun, siya ‘yung love team ko. Siyempre pag bata ka, di ba at kung sino ‘yung love team mo, kilig na kilig ka talaga,” kuwento ni Toni.

“So, ma-emote ka rin?” balik-tanong ni Vice kay Toni. “Oo, siyempre kilig na kilig (ako),” nakangiting sagot ng aktres.

Dagdag pa ng misis ni Paul, “Oo kasi ‘yung director mo sasabihin ‘ay nakakakilig kayo’ okay, tapos ‘yung mga fans humihiyaw (bagay kayo), o di okay.”

Hirit uli ni Vice, “Tapos one day pag-uwi mo?” “Wala na pala, isang malaking palabas. Ha-hahaha!” tumatawang sabi ni Toni.

Pambubuking ni Vice, “May dyowa pala?” “Oo,” mabilis na sagot ni Toni. “Pero kasi bata pa siya no’n at inamin naman talaga niya na pinagdaanan na niya ‘yun, tapos hayun.”

“Nag-sorry siya (Sam) sa ‘yo?” tanong ni Vice. “Nag-sorry naman,” saad ng aktres.

Pag MU ba bine-verbalize ba ‘yun? “hindi feeling mo kayo, pero hindi pala kasi hindi naman ninyo (napag-usapan), kaya hindi totoo ‘yung walang label sa panahon ngayon dahil pati damit may label. Kaya huwag kayong papayag na wala kayong label!” payo ni Toni sa lahat.

Biglang tumayo si Vice sabay alis kaya hirit ni Toni, “Ay wala ka bang label?” Marahil ay walang usapan sina Vice at ang special friend niyang si Calvin Abueva na “sila na” kaya pabirong nag-walkout ang GGV host.

“Naku magbigay ka, lahat ngayon may label, pagkain, mga damit meron,” hirit pa ni Toni kay Vice. Na sinagot naman niya ng, “E, sa ukay-ukay wala.”

Pagpapatuloy ni Toni, “Siyempre kasi nu’ng bata kayo, akala mo iyon ang tunay na kahulugan ng pag-ibig, pero ang dami kong natutunan. Hindi mo pala masusukat ang pagmamahal mo sa isang tao base sa simpleng pinagdaanan n’yo, simpleng relationship o kung anuman ang mayroon kayo.

“Nasusukat ‘yun kung paano mo dadalhin ang sarili mo, kung paano mo bibitawan ‘yung hindi para sa ‘yo. Kasi the moment na binitiwan mo ‘yun, doon mo mare-realize na ang ganda pala ng nakalaan para sa ‘yo,” payo pa ni Toni.

“Gaano katagal bago ka naka-recover kay Sam?” tanong ulit ni Vice. Tugon ni Toni, “Dahil hindi naman kami ‘yung super formal tapos wala rin kaming malalim na pinaghugutan dahil hindi rin naman kami nakapag-date, walang pinanghawakan kundi ‘yung mga eksena sa pelikula, walang totoong experience.

“Lahat ng nakakakilig na eksena, sa pelikula lang pala nangyari, sa set lang. Wala pala ‘yung behind the scene na nag-date kayo o lumabas kayo,” balik-alaala ni Toni sa naging relasyon nila ni Sam.

Hmmm, kailan kaya maggi-guest si Sam sa GGV para siya naman ang magkuwento ng version niya kung bakit hindi naging opisyal ang relasyon nila ni Toni? At kung may pagsisisi ba sa part niya?

As of now kasi ay nag-asawa na lahat ng mga babaeng taga-showbiz na naging bahagi ng buhay ni Sam kabilang na nga riyan sina Anne Curtis at Toni. Gusto na ring mag-asawa ng aktor pero hindi pa dumarating ang tamang babae para sa kanya.

Read more...