Pondo ng health care saan kukunin?

NAPAKAMOT sa kanyang ulo ang isang tambay sa kanto nang mabalitaan na may plano na namang itaas ang buwis sa sigarilyo. Katataas lang tapos tataasan na naman.

Bitin na nga daw ang kanyang paninigarilyo dahil nagmahal na tapos tataasan pa.

Talagang nakaka-relate na umano siya sa kantang Esem ng Yano. “Patingin-tingin, di naman makabili,

Patingin-tingin, di makapanood ng sine, Walang ibang pera, kundi pamasahe, Nakayanan ko lang, pambili ng dalawang yosi.”

Kapag minalas-malas ay isang yosi na lang daw ang mabibili niya kapag tumaas nanaman ang presyo ng sigarilyo dahil tataasan ang tax.

At kung kasama ang kanyang mga barkada, malamang ay pagpasa-pasahan na lang nila ang isang yosi para makatikim ang lahat.

Itinaas at muling itataas ang buwis sa sigarilyo para daw mabawasan ang mga naninigarilyo at ang mga sakit na dala ng yosi.

Naniniwala ang mga ahensya ng gobyerno na kokonti ang maninigarilyo at magkakaroon ng sakit dahil dito kapag mahal na ang presyo. Na-gets mo ba ‘yung punto?

Ang buwis na malilikom sa sigarilyo at idagdag na ang alak ay gagamitin para pondohan ang mga proyekto ng gobyerno para sa kalusugan gaya ng Universal Health Care.

Maganda yung hangarin di ba?

Pero ang hindi ko gets, kung ang plano ay itaas ang buwis ng sigarilyo para mabawasan ang naninigarilyo, pano kung wala ng naninigarilyo, e di wala ng pondo para sa Universal Health Care. Hindi lang naman sakit na dulot ng sigarilyo ang sagot ng UHC kundi lahat ng sakit na dumadapo sa mga Filipino.

Kulang nga ang nakokolektang sin tax para pondohan ito kaya itataas ang buwis.

Kung tutuusin ay kailangang doblehin o triplehin pa nga ng isang naninigarilyo ang kanyang konsumo kada araw—’yung isang kaha, dapat gawin niyang tatlong kaha—para mapunan ang kulang na pondo para sa kalusugan.

Kung magmamahal ang sigarilyo dahil sa bagong buwis at konti na lang ang makakabili, pano pa magkakasya ang pondong kailangan sa UHC. Lumalaki pa naman ang populasyon kaya mas malaking pondo ang kailangan ng gobyerno para sa kalusugan.

Bukod sa sigarilyo, itataas din ang buwis sa alak at ang malilikom na pondo ay idaragdag sa gagastusin sa UHC.

Kung hindi na makakabili ng alak dahil sa mahal, e di wala na ring makokolektang pondo para sa health care program.

Baka ang dulo niyan, itataas ang kontribusyon sa PhilHealth na ikinakaltas sa suweldo ng mga empleyado at share ng mga employer para mapondohan ang UHC. Naman.

READ NEXT
Perseverance
Read more...