Andrea lumalaking kamukha ni Liza: Hindi naman po, dyosa naman si ate!
DALAGANG-DALAGA na rin ang dating child star na si Andrea Brillantes, at nagkakaisa ang mga miyembro ng entertainment media sa pagsasabing mas lalo pang gumanda ngayon ang Kapamilya youngstar.
Present si Andrea sa grand mediacon ng bagong pelikula ng Viva Films, ang “Kahit Ayaw Mo Na” kung saan makakasama niya sina Empress Schuck at Kristel Fulgar.
Habang ginaganap ang presscon, marami ang nakapansin na malaki ang pagkakahawig ngayon ni Andrea kay Liza Soberano. Kahit sa mga Instagram photos ni Andrea ay makikita ang similarities nila ng girlfriend ni Enrique Gil.
Nang hingan ng reaksyon ang dalaga tungkol dito, medyo nahihiya pa siyang sumagot, “Hindi naman po totoo, promise. Ang layo-layo. Ang ganda-ganda kaya ni Ate Liza.
“Siyempre, ayokong maniwala, pero sa mga nagsasabi, thank you and nakakakilig. Kasi siyempre, dyosa si Ate Liza compared sa akin.”
Samantala, puring-puri rin ng mga manonood ang dalaga sa pagganap niya bilang Marga sa afternoon teleserye ng ABS-CBN na Kadenang Ginto na isang malditang teenager. Aniya, kabaligtaran ng ugali ni Marga si Andrea sa totoong buhay.
“Ang layo, kasi ang arte-arte ni Marga. Tapos siya ay laking mayaman, spoiled, laging nagsa-shopping, laging bago yung bag, bago yung shoes. Tapos bully sa school. Basta malayo, sobrang contrast kami,” ani Andrea.
Sa bago namang barkada at family movie ng Viva under the direction of Bona Fajardo, ang “Kahit Ayaw Mo Na”, ginagampanan niya ang character ni Ally, isang composer na broken hearted dahil sa hindi masukliang pagmamahal niya para sa isang kaibigan.
Ang “Kahit Ayaw Mo Na” ay kuwento ng tatlong babae na mapipilitang harapin ang isang nakaraan na biglang babago sa kanilang kinabukasan habambuhay. Pare-parehong hahatakin ng nakaraan sina Joey, Mikee at Ally patungo sa napakagandang probinsya ng Samar.
Si Joey (Empress), ay isang designer na nagpunta sa Samar kasama ang kasintahang si Reggie (Daniel Matsunaga) para sa pagsisimula ng kanyang sariling negosyo. Sa Samar makikilala niya sina Edlyn (Desiree del Valle) at Dong (Alan Paule), na malapit nang ikasal at nagpapatakbo ng isang banig-weaving business. Kasama nila sa bahay ang kanilang anak at aspiring composer na si Ally (Andrea).
Si Mikee (Kristel) naman ay isang food at travel vlogger na pumunta sa Samar kasama ang kanyang kaibigan na si Jiro (Kuya Sawa) upang itampok ang Samar’s Secret Kitchens 2 ang pinaka-iingatang family recipe ng nanay ni Dong.
Kahit nae-enjoy nina Joey at Mikee ang ganda ng Samar, pilit pa rin silang ginugulo ng kanilang mga personal issues.
Sina Joey at si Mikee ay parehong lumaki na hindi nakikilala ang kanilang mga ama. Samantalang si Ally naman broken hearted dahil sa hindi masukliang pagmamahal niya para sa isang kaibigan.
Dahil itinuring na nilang kapamilya sina Joey at Mikee, inimbatahan nina Edlyn at Dong ang dalawa sa kanilang kasal. Ngunit isang hindi inaasahang rebelasyon ang gugulo sa kanilang selebrasyon. Kung ano ito, ‘yan ang dapat panoorin sa “Kahit Ayaw Mo Na”.
Bukod sa ganda ng pelikula, ma-hook din sa official soundtrack nito na may parehong titulo mula sa This Band.
Mapapanood na ang “Kahit Ayaw Mo Na” sa mga sinehan nationwide simula sa Dec. 5, mula sa Viva Films, Blu Art Productions, Spark Samar at Saga Prefecture Film Commission.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.