Thai internet sensation blacklisted na sa Pinas; businessman nalugi ng P20M


APRUBADO na ng Bureau of Immigration ang pagiging blacklisted ng Thai internet sensation na si Mader Sitang na sumikat sa kanyang mga viral video sa Facebook.

Ito ang ibinalita ng dating manager ni Mader Sitang na si Wilbert Tolentino, sa nakaraang presscon ng UBC Shopping Is Helping online store, na ginanap sa The One 690 entertainment bar sa Roces, Quezon City.

Ani Wilbert, pina-process na raw ang paglabas ng mga dokumento mula sa BI pero aniya, nais na niyang mag-move on mula sa mala-bangungot na experience niya kay Sitang kahit na umabot sa P20 million ang nawala sa kanya dahil sa mga nangyari.

Wala na ring balak si Wilbert na kasuhan si Mader Sitang dahil hindi na rin naman ito makakapasok sa Pilipinas, “Closed chapter na ‘yun. Hindi magandang alaala ‘yun. Ibaon na natin sa limot.”

Nag-ugat ang kontrobersya nang hindi umano sinunod ni Sitang ang kasunduan nila para sa mga gagawin nilang proyekto kabilang na riyan ang pagiging endorser nito ng mga produkto ng UBC Shopping.

Bukod pa rito ang pag-demand ng kampo ni Sitang ng karagdagang payment nang dumating ito mula sa Thailand para sa contract signing last Nov. 6.

Tinanong din si Wilbert kung ano ba talaga si Mader Sitang, “Isa pong fake news. Sana po, lahat tayo, hindi basta maniwala sa mga fake news. Nabiktima tayo lahat. Buong bansa po, naniwala sa kanya.”

Nilinaw din niya na hindi sa kanya galing ang balita na abogado si Sitang at nag-donate ng malaki sa mga biktima ng bagyong Yolanda, “Ako kasi ang tinuturo sa social media na ako naman daw ang nagpakalat na lawyer siya, tumutulong sa Yolanda victims.

“Bago ko pa siya nahawakan, talagang kumakalat na ganu’n na nga ang news niya, na siya nga raw po ang lawyer, which is hindi pala. Actually, parang sindikato siya. Pinagtripan ako, e.

“Parang naghahanap siya ng malaking isda na may kumuha sa kanya, which is isa ako sa nabiktima,” lahad pa niya.

Dagdag pa ni Wilbert, “Actually nanghingi siya ng sorry, hindi ko na inano eh at tsaka marami na talaga ang nag-unfollow sa kanya noong nalaman na ang nangyari.”

Samantala, mas pagtutuunan ngayon ni Wilbert ang bago niyang business with a cause, ito ngang UBC Shopping Is Helping, na isang online tambayan ng mga Pinoy kung saan mabibili ang iba’t ibang produkto mula sa beauty, skin care, hair, cosmetics, fashion and accessories.

“Everytime you go shopping at UBC store, you are extending a helping hand to the needy. Proceeds from sales will go to chosen charitable institution or cause-oriented project,” sabi ni Wilbert.

Dagdag pa niya, bukod sa mga kilalang transwoman na magiging ambassador nila ay balak din nilang kausapin sina Jake Zyrus at Ice Seguerra to represent the transman community.

Very soon ay magbubukas na ang official website ng UBC (ubc.com.ph).

Read more...