MAY pangalawang glorya para kay Lotlot de Leon. Nabigo man ang mga pangarap nila ni Ramon Christopher Gutierrez ay maipagpapatuloy ‘yun ng aktres sa kanyang Lebanese boyfriend na pakakasalan na niya sa susunod na buwan.
Simple at kami-kaming seremonya lang ang magaganap, wala nga naman sa kagarbuhan ng kasalan ang ikatatagal ng relasyon, pinakamahalaga pa rin ang pagmamahalan at respetuhan ng mga magtataling-puso.
Ang tanong ng bayan ngayon ay kung dadalo ba sa kasal ni Lotlot ang nakagisnan niyang inang si Nora Aunor? Imbitado ang Superstar sa kasal, ibibigay sa kanya ni Lotlot ang pagrespeto, pero ang tanong ay kung darating ba naman si Nora sa okasyon?
Lantad naman sa publiko na matagal na silang walang komunikasyon. Tulad ng iba pa niyang mga
kapatid ay kapos sila sa pakikipag-bonding sa kanilang ina.
Meron kasing tinututulan ang magkakapatid, ang presensiya pa rin ni John Rendez sa buhay ng aktres,
‘yun lang ang tanging hindi nila pinagkakasunduan.
Sana nga ay makarating si Nora sa kasal ni Lotlot, hindi naman ikakasal nang maraming beses ang kanyang panganay, kung dadalo ang Superstar ay baka ‘yun na ang maging senyal ng muli nilang pagkikita at pagmamahalan ng kanyang mga anak.