NAGTUNGO sa Radyo Inquirer si Maricel, may-bahay ng seaman. Second (2nd) Mate sa barko ang kanyang mister at nakasuntukan umano nito ang kapwa marino na isa namang Third Mate.
Sumbong ni Maricel, ayon sa asawa, hindi man lamang daw ipinatawag ng kanilang kapitan ang kanyang mister pati na ang nakaaway nito upang alamin ang buong pangyayari.
Magdadalawang buwan pa lamang sa barko ang kanyang asawa at nabanggit nitong nakikialam sa kanyang trabaho ang kasamahang Third Mate, kung kaya’t nagpang-abot ang dalawa at humantong na nga sa suntukan. Buong akala niya, bibigyan siya ng pagkakataon na makapagpaliwanag pero hindi nangyari.
Nang dumaan ang barko sa Hongkong ay pinababa sila ng kapitan at ready na rin ang plane ticket pabalik sa Pilipinas. Makalipas ang isang buwan, muling pinasakay ng manning agency ang kanyang mister ngunit sa ibang barko na at bagong foreign principal.
Hindi na nakapagreklamo ang seaman dahil pinasakay na nga agad ito. Ngunit laking gulat na lamang ni Maricel dahil buong panahon na nasa barko ang asawa, binabawasan sila ng halagang P20,000 buwan-buwan. Para daw iyon sa lahat ng nagastos sa asawang seaman nang pinauwi ito dahil sa pakikipag-away sa barko.
Ngunit reklamo ni Maricel, bakit hindi naman ganoon ang ginawa sa nakaaway ng asawa? Wala namang ibinabawas sa kanila katulad ng ginagawa sa kanila ngayon ng manning agency.
Kaagad namang sumaklolo si Atty. Dennis Gorecho ng SVBB Law office, ang maritime lawyer ng Bantay OCW, upang matulungang makapagsampa ng reklamo ang mag-asawa. Aabangan namin ang magiging resulta ng problemang ito.
Nag-email si Richard de Guzman at humihingi siya ng tulong sa Bantay OCW. Ipina-blacklist siya ng kanyang employer kahit pa sumunod naman anya sila sa kanilang kontrata. Pinapirma rin siya sa isang papel kung saan nakasaad doon na hindi na siya tatanggap ng anumang mga benepisyo. Nag-exit siya nang maayos sa kaniyang kumpanyang Altema Industrial Services ngunit nalaman na lamang niyang blacklisted na pala siya.
Reklamo niya, halos lahat silang mga Pilipino na umuwi at nag-resign mula sa kumpanyang iyon ay hindi nabigyan ng anumang benepisyo. Inaalam na ng Bantay OCW kung talaga nga bang blacklisted si Richard at maiulat sa ating embahada pati na ang mga benepisyong dapat ay makuha nila.
Nag-email ang magkapatid na sina Tessie Arabe at Emma Porto ng Zambales, hinggil sa kalagayan ng kanilang kapatid na si Benny Oliva, construction foreman ng Abdul Ali Al-Ajmi Co. na nasa Hafof Mubarras Alhaza, Kingdom of Saudi Arabia.
Noong Enero 7, 2013 ikinulong si Benny dahil sa pinagbintangan itong nagnakaw. Nahatulan siya na guilty noong Marso 15 at may kaparusahang tatlong buwan na pagkabilanggo. Dapat ay tapos na ang sentensiya noong Hunyo 15, 2013 at sana’y nakalaya na ito ngunit magpahanggang ngayon nasa bilangguan pa rin si Benny.
Ayon naman kina Tessie at Emma, inaasikaso ni G. Jerome ng Philippine Embassy sa Saudi ang kaso ni Benny, ngunit nais pa rin nilang magpatulong sa Bantay OCW upang alamin kung ano na nga ba ang kalagayan nito gayong nagampanan na rin naman niya at tapos na sana ang sentensiya sa kanyang tatlong buwang pagkakakulong.
Kaagad naming ipinadala sa embaha ang kanilang email at hinihintay ang tugon hinggil sa kasong ito.
Maraming mga Pilipinong marino ang patuloy na hinahangad pa rin ng mga foreign principal na makasakay sa kanilang mga barko. Lalo pa ngayon na napakaraming mga passenger vessels/cruise lines ang kinakailangang maglayag, kung kaya’t kahit hindi tradisyonal na mga seaman, puwede nang sumakay ng barko. Inaanyayahan po namin ang sinumang interesado na tumutok sa aming Seafarer’s Hour tuwing Huwebes mula 12:30 p.m. hanggang 2:00 p.m. Magtungo sa Radyo Inquirer studio at personal kayong makakapanayam nina Capt. Ronaldo Enrile, VP for Operations at Engr. Peter Lugue, AVP for Crewing Operations ng Philippine Transmarine Carriers. Hinhintayin po namin kayo!
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 11:00 am-12:00 nn, 12:30-2:00pm audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm.
E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.