Barbero sinabon ni Mr. Official dahil sa pangit na gupit
MUKHANG nakatikim ng sabon na walang banlawan itong isang barbero ng mga sikat.
Hindi kasi nagustuhan nitong mataas na opisyal ng bansa ang kanyang gupit. Itong si Mr. Official ay nanunungkulan sa isang sangay ng gobyerno na may kaugnayan sa pagpaparusa sa may sala.
Isa siyang appointee ni Pangulong Aquino at kinober ito ng media dahil sa kanyang ginawa para sa kapayapaan.
Nang magpagupit ito ay nagulat umano siya sa kanyang itsura nang tumingin sa salamin. Hindi niya type ang kanyang bagong hairdo.
Dahil turned off, wala yatang natikmang tip ang mamang barbero, bagkus sinabon pa niya ito.
Sa susunod huwag ka na sa barber shop magpunta.
Speaking of hitsura, mukha yatang mahal na mahal ng isang talunang mambabatas ang kanyang porma.
Minsan pumasok itong si Cong, bago ito mag-2013 election, suot ang kanyang bago at mamahaling Hermes belt.
At siyempre todo porma siya para mapansin ang kanyang mamahaling sinturon na kasing mahal ng second-hand na kotse.
Walang duda na ipinagyayabang niya ang kanyang belt na ang buckle ay letrang ‘H’ as in Hermes.
Nang makita ito ng isa sa kanyang kasama na medyo jutanders na eh pinuri ito.
Tuwang-tuwa naman itong si Cong. at abot-tenga ang kanyang ngiti kasabay ang kumikinang niyang mata.
Pero nasira ang lahat. Wala namang dumating na mas maangas ang porma sa kanya.
Ang hirit kasi ng matandang Cong na pumuri sa kanya: “Honda ba yan, Honda!”
Cong, hindi ata alam ng kausap niya ang mga ganyang bagay. Hindi niya siguro abot yung mga brand na ganyan kung saan n’yo inaaksaya ang inyong pera.
Kapag walang sesyon ang Kongreso, itong si Cong ay inaakalang kalaban ni Leon Guerero. Hindi si Sen. Lito Lapid, kundi yung role niya sa isa sa kanyang pelikula.
Ito kasing blind item natin ngayon ay napagkakamalang cowboy, ngayong talunan, siya ay ‘ang kawawang cowboy!’
Sa huling sesyon ng Kongreso, marami ang natakot na pumunta sa south lounge kung saan tumatambay ang mga mambabatas.
Para daw kasing may lamay ang ambience. Nagkukumpul-kumpulan kasi roon ang mga talunan. Yung mga nanalo tuloy sa ikalawang termino, isa-isang naglakaran papalayo, baka daw sila mahawahan ng malas.
Siya nga pala, binabati natin ang mga kalaro natin dati sa Armies on Facebook na sina Kampat, Ghil Pugay, Rex Caballes, Manny Walrus at syempre kay pareng Peter Tabingo na magdiriwang ng kanyang kaarawan ngayong buwan.
Balita ko kay Peter palagi silang nagbabasa ng mga feature stories ng Bandera.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.