NASAWI ang isang guro at sugatan ang isang estudyante nang mamaril ang sundalo sa loob ng paaralan sa Bocaue, Bulacan, Miyerkules ng umaga.
Matapos mamaril ay nag-suicide ang kawal, na nakilala bilang si Ruperto Datwin, miyembro ng Army, ayon sa ulat ng Bulacan provincial police.
Naganap ang insidente sa Tambubong Elementary School ng Brgy. Tambubong, dakong alas-9.
Sadyang nagtungo sa paaralan si Datwin, 40, may asawa, at residente ng Brgy. Batia, para kausapin ang gurong si Melody Esber, na diumano’y kanyang ka-relasyon.
Dumating ang sundalo habang nagtuturo si Esber, at nang kausap na ang guro’y bigla na lang dumukot ng kalibre-.45 pistola at pinaputukan sa dibdib ang huli, ayon sa ulat.
Kasabay nito’y tinamaan ng ligaw na bala sa kaliwang balikat ang estudyanteng si Raine Julian Legazpi, 9.
Agad nasawi si Esber. Matapos iyo’y ipinutok naman ni Datwin sa kanyang ulo ang baril, at agad din siyang namatay, ayon sa pulisya.
Itinakbo ng isa pang guro si Legazpi sa pagamutan, kung saan idineklarang malayo na sa panganib ang kondisyon ng bata.
Inaalam pa ng Bocaue Police ang pinag-ugatan ng pamamaril ni Datwin, at pinag-aaralan ang mga laman ng isang folder na naiwan sa crime scene.
Nakasaad umano sa isa mga laman ng folder ang diumano’y naging relasyon ni Datwin at Esber, pati ang kanila umanong mga utang.