Kakaibang love story nina Eddie at Gina itutuloy sa ‘purgatoryo’


ANO nga kaya ang pwedeng mangyari kung muli kayong magtatagpo ng naging ex-dyowa mo – sa purgatoryo?

Iyan ang sasagutin ng pelikulang “Hintayan Ng Langit” na pinagbibidahan nina Eddie Garcia at Gina Pareño sa direksyon ng box-office director na si Dan Villegas. Una itong ipinalabas sa QCinema 2018 nito lang nakaraang Oktubre mula sa Project 8 Corner San Joaquin Projects na pag-aari ng showbiz couple na sina Dan Villegas at Antoinette Jadaone.

At dahil naging maganda ang pagtanggap ng mga manonood na sumuporta sa 2018 QCinema, muli itong ipalalabas sa mga sinehan nationwide simula ngayong Miyerkules, Nov. 21 sa pakikipagtulungan na rin ng Globe Studios.

Nagwaging Best Actor sa pelikula si Eddie Garcia sa QCinema 2018 bukod pa sa natanggap na Audience Choice Award.

Ang “Hintayan Ng Langit” ay isang love story sa pagitan ng dalawang taong namatay na pero nagpatuloy pa rin hanggang sa kabilang buhay.

Inip na inip na si Lisang (Gina) sa paghihintay niya sa purgatoryo dahil gusto na niyang makaakyat sa langit. Pero nang oras na para lisanin ang kanyang kwarto sa purgatoryo, nakita niya ang bagong dating na kaluluwa, ang kamamatay lang na si Manolo (Eddie).

Dati niyang karelasyon si Manolo na sa pagkakataong ibinigay ng tadhana ay muli niyang nakasama at lubusang makikilala. At sa pagkikita nilang muli, mararanasan ni Lisang kung ano ba talaga ang kahulugan ng buhay.

Sa pagbabalik-tanaw nila sa kanilang naging buhay noong nabubuhay pa, napag-usapan nila ang kanilang mga naging desisyon – tanong nila sa kanilang mga sarili, ano nga kaya ang naging buhay nila kung hindi sila nagkahiwalay.

Ang “Hintayan Ng Langit” ay mula sa one-act play na “The Virgin Lab Fest” na isinulat ng spoken word artist na si Juan Miguel Severo na isa na rin ngayong magaling na character actor. Huli siyang napanood bilang bading na BFF ni Kathryn Bernardo sa pelikulang “The Hows Of Us”.

Nag-trending sa social media ang mataas na production values at kakaibang konsepto at tema ng “Hintayan Ng Langit.” Commitment ng Globe Studios ang pagpoprodyus ng heartfelt top-quality films kaya agad silang nakipag-collaborate sa Project 8.

“When I first read the ‘Hintayan sa Langit’ script for QCinema, I couldn’t put it down,” kuwento ni Quark Henares, top executive ng Globe Studios.

“When I handed it to our producers, they felt the same way. This is a film Globe Studios had to do, and I’m so proud and happy we’re giving everyone a chance to see it nationwide. It’s different. It’s touching. It stays with you. Hope you can all catch it in theaters,” aniya pa.

Showing na sa mga sinehan ang “Hintayan Ng Langit” simula ngayong Miyerkules kaya kung gusto n’yong matawa, maiyak, ma-inspire at ma-in love watch na kayo.

At mas masaya kung isasama ang inyong parents at lolo’t lola para sa kakaibang movie experience.

Read more...