NANALO ng tigatlong events sina Kevin Carl Aquino at Abbygale Monderin ng Pilipinas at nagtapos sa pangalawa at pangatlong puwesto sa 6th Thailand International Memory Championship na ginanap noong Sabado sa Kasetsart University sa Bangkok, Thailand.
Nakakuha ng pinakamataas na iskor si Aquino sa Random Words (160 puntos), Names & Faces (343) at Speed Cards (217).
Nagwagi naman sa 10-Minute Card (427), Historic & Future Dates (172) at Spoken Numbers (569) si Monderin, na lumahok sa 2013 Bb. Pilipinas.
Gayunman, ang apat na iba pang events ay nakopo ng two-time national champion ng India na si Rajendra Jain para tanghaling overall champion ng torneo.
Umiskor siya ng 270 sa Binary, 267 sa 15-Minute Numbers, 255 sa Speed Cards, at 385 sa Abstract para maangkin ang kampeonato.
Ang Juniors division naman ay dinomina ng mga Pinoy. Nakuha ni Miguel Landicho ang unang puwesto sa juniors at sinundan siya nina Ydda Graceille Habab, Mikhaila Paraiso at Rhojani Joy Nasiad ayon sa pagkakasunod.
Isa pang Pinoy, ang 12-anyos na si Kian Christopher Aquino, ang nakakuha ng pinakamataas na puntos sa Kids division.
Ang kampanya ng Philippine Mind Sports Association (PMSA) dito ay suportado ng San Miguel Corporation, Milo at Philippine Sports Commission (PSC).