Cancer patient tigok sa industrial oxygen

SAN FRANCISCO, Agusan del Sur—Hindi na nagtagal ang buhay ng 82-anyos na lung cancer patient nang langhapin nito ang hangin mula sa industrial oxygen tank imbes sa medical oxygen, na binili mula sa hardware.

Pinag-iisipan na ng pamilya na sampahan ng kaso ang Pulvera Hardware na nagbenta umano sa kanila ng industrial oxygen na pinaniniwalaan nilang sanhi ng pagkamatay ni Antonio Garcia.

Apat na araw umanong nilanghap ni Garcia ang hangin mula sa tangke ng oxygen na nabili nila sa hardware. Ayon kay Senior Insp. Ephraim Detuya, hepe ng local na pulisya, nagtungo sa kanilang himpilan ang pamilya ng biktima para ireklamo ang pagkamatay ng kanilang ama.

Sa inisyal na report, muling isinugod sa San Francisco Doctors’ Hospital si Garcia matapos sabihin ng mga doktor na industrial oxygen ang umano’y nagpalala sa kondisyon ng pasyente.

Laking gulat ng pamilya nang malaman na ang ibinigay na oxygen sa kanila ay iyong ginagamit sa pagwe-welding, base na rin sa color coded marks na nakapinta sa labas ng tangke.

Hindi muna nagbigay ng pahayag ang hardware hinggil sa isyu hanggat hindi pa umano nila natatapos ang imbestigasyon sa kanilang mga tauhan.

Ayon sa may-ari ng hardware na tumanggi munang pangalanan, pinayagan umano silang magbenta ng medical oxygen tanks ng authorized supplier sa Davao City.

Read more...