NANATILING palaban sa Final Four race ang Far Eastern University Tamaraws matapos itala ang dominanteng panalo kontra second seed Adamson University Soaring Falcons, 82-56, sa kanilang UAAP Season 81 men’s basketball game Linggo sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Tinapos ng Tamaraws ang kanilang kampanya sa elimination round sa tangang 8-6 record para makapuwersa ng playoff kontra De La Salle University Green Archers, na hawak din ang 8-6 karta, para sa huling Final Four spot sa Miyerkules.
Hindi naman ginamit ng Adamson, na naselyuhan na ang No. 2 seed at twice-to-beat advantage bago pa ang laro, ang mga star players nitong sina Sean Manganti at Jerrick Ahanmisi.
Maagang rumatsada ang FEU na agad itinayo ang 14-0 kalamangan sa pagsisimula ng laro na sinimulan ng 3-pointer ni Wendell Comboy.
Pinalobo pa ng Tamaraws, na nagbuslo ng kabuuang 12 triples sa laro, ang kanilang kalamangan sa 34 puntos, 70-36, matapos ang tres ni RJ Ramirez may 54 segundo ang nalalabi sa ikatlong yugto.
Pinamunuan ni Comboy ang Tamaraws sa itinalang 11 puntos habang sina Arvin Tolentino at Hubert Cani ay nagdagdag ng tig-10 puntos.
Nanguna naman si Jerom Lastimosa para sa Falcons sa ginawang 11 puntos.