Alaska Aces umusad sa Governors’ Cup Finals


NAHABLOT ng Alaska Aces ang huling silya sa Finals matapos na sibakin ang Meralco Bolts, 99-92, sa Game 4 ng kanilang 2018 PBA Governors’ Cup best-of-five semifinals series Sabado ng gabi sa Cuneta Astrodome, Pasay City.

Umiskor si Mike Harris ng 27 puntos kabilang ang krusyal na 3-pointer sa mga huling minuto ng laro para ihatid ang Alaska sa ikatlong panalo at ika-31 Finals appearance.

Makakaharap ng Aces ang Magnolia Hotshots sa Disyembre 5 sa Game 1 ng best-of-seven title series.

Nagtala rin si Harris ng 14 rebound at tig-tatlong assist at steal para sa Aces.

Nagdagdag si JV Casio ng 14 puntos habang sina Vic Manuel, Kevin Racal at Jeron Teng ay nag-ambag ng tig-10 puntos para Alaska.

Ang panalo ay naghatid din kay Aces coach Alex Compton sa kanyang ikalimang championship series at isa na namang pagkakataon para mauwi ang kanyang unang titulo.

Pinamunuan ni Allen Durham ang Bolts sa ginawang 31 puntos at 14 rebound.

Read more...