INARESTO sa Tarlac ang road rage suspect na nag-viral sa social media dahil sa paggamit ng sasakyan na may plakang number 8 at nambugbog ng isang motorista.
Kinilala ang suspek na si Jojo Valerio, miyembro ng banda na tumutugtog sa isang bar sa Tarlac City.
Ayon sa mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group at Police Regional Office 3, natunton ang suspek matapos lumutang ang saksi mula sa Pampanga na nagkumpirma sa pagkakakilanlan ni Valerio.
Sa isang video ay makikita si Valerio na sinusuntok ang driver ng isang sasakyan sa Pampanga. Sa isa pang video ay hinabol nito ang sasakyan na nakasingit sa kanya sa Cobgressional Ave. sa Quezon City.
Umamin na kasi
Samantala, dapat namg umamin ang kongresista na nagbigay ng kanyang plakang 8 kay Valerio.
Sinabi ni House Minority Deputy Rep. Alfredo Garbin Jr. na nadadamay ang buong institusyon sa kontrobersya kahit na isang kongresista lamang ang may kasalanan nito.
“He or she should just come out in the open. So that, aside from his or her criminal liability, ma-attribute din yun fault nang pamimigay ng plaka dun sa miyembro ng Kongreso,” ani Garbin.
Ayon sa mga ulat, ang plakang 8 na gamit ni Valerio ay ibinigay sa mga kongresista na miyembro ng 16th Congress. Ngayon ay 17th Congress na.
Ang protocol plates ay mayroon umanong bar code kaya mate-trace kung kanilang kongresista ito ibinigay. Tanging ang mga sasakyan na ginagamit ng kongresista ang maaaring gumamit nito.
“Di tama yun [na ipagamit sa iba],” ani Garbin. “Somehow nagagamit sa pang-aabuso but it doesn’t mean na tanggalin na. Siguro dapat i-regulate lang yung paggamit at pag-issue.”
Plaka isoli—GMA
Kaugnay nito, ipinag-utos ng liderato ng Kamara de Representantes kahapon ang pagbalik sa mga plakang 8 na ginamit ng mga kongresista na miyembro ng mga nakaraang Kongreso.
Sa sesyon ng plenaryo kahapon, sinabi ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr., na mayroong inilabas na memorandum ang House Secretary General na ipinasosoli ang mga lumang 8 plaka.
“We would like to reiterate the memorandum issued by the secretary-general for all members of the House regarding the recall of protocol plate number 8, and I would like to read on record and reiterate to the members: We have received reports that certain vehicles with protocol plate number 8 have been spotted in indecent places or figured in crime-related activities,” ani Andaya.
Sinabi niya na mayroong utos si House Speaker Gloria Macapagal Arroyo na bawiin ang mga plakang ito.
“In view of this development, the honorable Speaker has given instructions for the immediate recall of all protocol plates issued during the 16th congress and earlier. Kindly return these car plates to the office of the secretary-general for proper acknowledgement,” aniya.