mula sa “Target ni Tulfo” ni Mon Tulfo
TINATAYANG mga kalahating milyon katao ang nasawi sa malakas na lindol na yumanig sa Haiti ilang araw lang ang nakaraan.
Dapat natin paghandaan ang malakas na lindol sa ating bansa dahil mangyayari din ito sa atin.
Ang tanong ay hindi kung mangyayari ba sa atin ang nangyari sa Haiti, kundi kailan ito magaganap?
Sanay na tayo sa mga trahedya na dumadalaw sa atin taun-taon, pero hindi pa tayo nakararanas ng sakuna na naganap sa Haiti kung saan laganap ang pagkasira ng mga gusali at pagkamatay ng mga tao.
Alam natin na may fault line sa Marikina. Kapag may malakas na lindol maraming gusali ang babagsak dahil bubuka at bibiyak ang lupa.
Hindi nananakot ang inyong lingkod. Sinasabi ko lang ang dapat sabihin upang tayo ay makapaghanda.
* * *
Nang tumama ang 7.8 magnitude earthquake sa Luzon noong 1990 malaking pinsala ang ginawa nito: Gumuho ang gusali ng isang school sa Cabanatuan at maraming namatay; marami rin ang namatay at nasugatan sa pagguho ng isang malaking hotel sa Baguio City; at lumubog ang Dagupan City.
Kapag ganoon kalakas ang lindol sa Metro Manila, malaking pinsala sa mga ari-arian at maraming masasawi.
Handa ba ang mga taga-Metro Manila at ang gobyerno sa malakas na lindol?
Hindi!
Nakita natin ang pagiging inutil ng ating gobyerno noong kasagsagan ng bagyong “Ondoy” at “Pepeng.”
Dumating ang mga government rescuers nang humupa ang ulan at marami na’ng nalunod.
* * *
Kaya’t ano ang dapat gawin ng mga mamamayan?
Huwag nating iasa ang ating buhay o survival sa gobyerno dahil alam natin na inutil ito.
Kapag may krimen na nagaganap sa ating lugar, dumarating ba agad ang mga pulis? Di ba dumarating na lang sila kapag tapos na ang krimen gaya ng napapanood natin sa sine?
Dapat tayong maging handa sa mga sakuna.
Anong dapat gawin? Matuto ng first aid.
Maraming namamatay na biktima ng sakuna dahil hindi ito nabibigyan ng pang-unang lunas o first aid ng mga kasamahan nito.
Saan natututunan ang first aid? Sa Red Cross office o sa health center sa inyong lugar.
Dapat lahat ng mamamayan ay marunong magbigay ng first aid.
Alamin sa mga eksperto kung ano ang mga dapat gawin matapos dumating ang isang sakuna na gaya ng sa Haiti.
Kapag alam mo ang iyong gagawin sa isang emergency, kalmado ang iyong pag-iisip at ikaw ay makakapagligtas ng mga buhay.
Ang isang kalmadong tao kapag may emergency ay nakakaligtas ng kanyang buhay at buhay ng iba.
Kapag ikaw ay nag-panic, hindi mo alam ang iyong gagawin sa emergency.
Kahit na sa pang-araw araw na pamumuhay, dapat ay handa ka sa ano mang pangyayari.
Ang isang taong tatanga-tanga ay nagiging biktima ng masasamang-loob.
Kapag nakita kang palaging alerto ng taong ibig kang biktimahin, mag-iisip ng dalawa o tatlong beses kung ipagpapatuloy niya ang kanyang balak sa iyo.
Ang mga taong walang pakialam sa mundo ang kalimitan ay nabibiktima ng krimen.
* * *
Paano mo malalaman kung ikaw ay alertong tao?
Kapag ikaw ay pumasok sa isang bahay o gusali, inaalam mo ba kung saan ang emergency exit o ibang labasan maliban sa pintuan?
Inaalam mo ba kung paano ka makakalabas sa isang gusali kapag nagkaroon ng emergency?
Tinitingnan mo ba kung saan papasok ang mga taong gustong kang saktan?
Kung nasagot mo ng “oo” ang mga kasagutan sa itaas, ikaw ay alerto.
BANDERA, 011710