ISANG maginhawang buhay na malayo sa kapahamakan at karahasan — ito ang mithiin ng bawat Pilipino para sa kanyang pamilya.
Ito rin ang motibasyon ng DZMM anchors na sina Dr. Carl Balita, David Oro at Gus Abelgas sa kanilang patuloy na pagli-lingkod sa bayan sa pamamagitan ng mga programang “Radyo Negosyo” at “SOCO” sa DZMM Radyo Patrol at TeleRadyo.
Ang “Radyo Negosyo” ni Carl, ay 18 taon nang naghahatid ng impormasyon, inspirasyon at suporta sa pagnenegosyo. Samantala, mahigit isang dekada na rin ang “SOCO sa DZMM” sa pagtalakay ng iba’t ibang kaso ng krimen upang makatulong sa pagkamit ng hustisya ng mga biktima at mabigyan din ng babala ang sambayanan.
Humarap sa ilang members ng media ang tatlong anchor kamakailan sa Novotel sa Cubao, Quezon City upang ibahagi ang kani-kanilang adbokasiya kung saan sila ay may pagkakataong mabago ang buhay ng maraming tao.
Sabi ni Carl, ibang uri ng public service ang hatid ng kanyang programa, “Karaniwan kasi kapag sinabing public service, nagbibigay ka lang. Kami, ang ginagawa namin, tinuturuan ang tao kung paano mangisda, kung paano kumita at tulungan ang kanyang sarili.”
Nagsimula si Carl bilang panauhin sa programa noong taong 2000, hanggang inanyayahan na siyang maging anchor. Si-mula noon, marami na rin ang maliliit na negosyong natulungan nilang lumaki matapos lumabas sa “Radyo Negosyo”.
Kung tagumpay sa negosyo ang hangarin ni Carl, hustisya at kaligtasan naman ang adbokasiya nina David at Gus, dalawang beterano sa police reporting at parehong mahigit 30 taon na sa ABS-CBN.
“Minsan ang pagiging kampante na hindi tayo magiging biktima ng krimen ang nagiging dahilan upang tayo ay mabiktima sa hindi natin inasahang panahon. Sa panonood at pakikinig ng ‘SOCO sa DZMM,’ makakakuha ka ng ng ideya kung paano makakaiwas sa krimen sapagkat sabi nga ang paalala ay gamot sa pagkakalimot,” ani David.
“Ang pinakaimportante dito yung pagiging aktibo ng mga tao sa isang insi-dente. Sa ating kultura ‘pag may nakita, ‘pag naging witness nananatiling tahimik. ‘Pag ‘di ka direktang apektado, wala kang pakialam, eh. Kahit konting bagay lang na makakatulong tayo, tumulong tayo. ‘Wag natin hintayin na sa atin mangyari,” paalala naman ni Gus.
Noong Oktubre, dinala ng DZMM ang programa sa San Jose Del Monte sa Bulacan para sa DZMM Kapamilya Day, kung saan tinalakay nina David at Gus ang mga karaniwang krimen sa nasabing lugar. Nga-yong Nobyembre, si Carl naman ang bibisita sa isang komunidad sa Quezon City.
Tutukan tuwing Sabado ang “SOCO sa DZMM”, 6 p.m. at “Radyo Negosyo”, 7:30 p.m..
Samantala, naikuwento rin ni Gus Abelgas na kasali rin siya sa entry ni Vice Ganda sa 2018 MMFF na “Fantastica”. Siya ang kinuha ng Star Cinema para maging boses ng karakter ni Bela Padilla. Nagpaalam muna siya sa mga bossing ng News And Public Affairs ng ABS-CBN at pinayagan naman siya.
Ayaw namang sabahin ng broadcast journalist kung magkano ang talent fee niya sa movie, “Sabi ko sa kanila hindi na naman pinag-uusapan iyan, bahala na sila roon.”