IPINAGPALIBAN ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) ang pagpataw ng posibleng parusa kay Lyceum of the Philippines University Pirates coach Topex Robinson matapos ang pagbatikos nito sa naging desisyon ng liga na suspindihin si CJ Perez sa Game One ng NCAA Season 94 men’s basketball Finals series kontra San Beda University Red Lions.
Aminadong hindi natuwa si Robinson sa ipinataw na parusa kay Perez, ang Season 93 Most Valuable Player, na nasuspindi ng isang laro matapos na mabigong mag-abiso sa liga na nagsumite ito ng PBA draft application nitong nakalipas na buwan kaya binatikos nito ang naging desisyon ng liga matapos na matalo ang Pirates sa Red Lions, 73-60, sa kanilang series opener noong Martes sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Tuloy naman si Robinson sa pagko-coach ng kanyang koponan sa Game Two ngayong darating na Lunes sa parehong venue para sa tsansang makapuwersa ng do-or-die Game Three.
Subalit posibleng mapatawan siya ng parusa sa susunod na season dahil pag-uusapan pa rin ng liga ang kanyang kaso matapos ang finals.
“The Mancom has decided to give the LPU coach (Robinson) enough time to finish the remaining finals games,” sabi ni NCAA Mancom chair Frank Gusi sa isang pahayag Huwebes matapos ang kanilang emergency meeting.
“Then after which, we are putting continuance to the proceedings in the spirit of sportsmanship and with the best interest of the league,” dagdag pa ni Gusi.
Ipinagpaliban din ng liga ang posibleng parusa kay College of St. Benilde assistant coach Charles Tiu, na nagkomento sa social media at tinawag ang naging desisyon ng liga na suspendihin si Perez na isang malaking biro.
Sa pagkawala ni Perez, na nag-average ng league-best 18.7 puntos at 3.3 steal maliban pa sa 8.4 rebound at apat na assist, kinulang ang Lyceum ng puwersa para makabangon kontra San Beda.
Magbabalik-aksyon naman si Perez sa Game Two.