Nagbabala ang EcoWaste Coalition sa mga nagbebenta ng mga cosmetic products upang hindi matulad kay Merarie Day na pinagmumulta ng British Court ng £31,200 na dapat niyang bayaran ng tatlong buwan kung hindi ay makukulong siya ng 18 buwan.
“Filipinos abroad must not engage in the illicit trade of cosmetics and other regulated products that are not compliant with national and regional safety regulations,” ani Thony Dizon, Chemical Safety Campaigner ng EcoWaste Coalition.
Sa Europe ay ipinagbabawal ang mga skin whitening cream na nagtataglay ng hydroquinone o mercury.
Ayon sa Devon Trading Standards, ginamit ni Day ang kanyang eBay account at kanyang website sa pagbebenta ng mga produkto na inangkat niya mula sa Pilipinas kasama ang mga skin lightening cosmetics na may hydroquinone na nakakasira ng atay at nervous system, at mercury na may masamang epekto sa kidney at balat.
Ni-raid ang bahay ni Day sa Milizac Close, Yealmpton at nakuha ang 600 item kasama ang JJJ Golden Spot Removing Cream na mayroon umanong mercury.
Noong 2012, ipinagbawal ng Food and Drug Administration sa bansa ang JJJ Magic Spots Removing Cream (Golden Package) dahil sa labis na mercury content nito.
Noong 2016, naghain ng guilty plea si Day sa 14 na kaso ng paglabag sa Consumer Protection from Unfair Trading Regulations 2008; Cosmetic Product Enforcement Regulations 2013 at Nutrition and Health Claims (England) Regulations 2007.