P25 dagdag sa minimum wage opisyal na

OPISYAL nang kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE)  ang P25 taas sahod sa National Capital Region malayo sa P334 na hinihingi ng labor group na naghain ng petisyon para sa taasan ang suweldo.

“Upon the effectivity of the of Wage Order NCR-22, the new minimum wage rates in Metro Manila shall be P500 to P537 across different sectors,” saad ng pahayag ng DOLE.

Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III ang pagtaas ng sahod ay magsisimula 15 araw matapos itong mailathala sa pahayagan.

Magtataas naman ng P10 ang arawang sahod sa Region II at dagdag na P10 Cost of Living Allowance.  Ang minimum wage na sa rehiyon ay magiging P320-P360 kada araw.

Sa Region 4-B o MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan) may taas namang P12 hanggang P20 sa iba’t ibang sektor.  Ang bagong minimum wage sa rehiyon ay P283 hanggang P320.

Naghain ng petisyon ang Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines sa regional wage board at hiniling ang P334 pagtaas sa arawang sahod.

Sinabi naman ng Employers Confederation of the Philippines ang P20 dagdag sa arawang sahod.

Ayon kay ALU-TUCP spokesman Alan Tanjusay hindi makatwiran ang ibinigay na pagtataas ng sahod.

“Ito ay napakalaking kawalan ng katarungan para sa mga tumulong na magtayo ng negosyo. Ito ay kawalan ng katarungan para sa mga tumulong na mapalago ang ekonomiya,” ani Tanjusay.

Read more...