Mga kukuha ng fare matrix para sa P10 pasahe dadagsa

Jeepney fare

INAASAHANG dadagsa ang mga driver na kukuha ng fare matrix para maipatupad ang P10 minimum sa jeepney. 

Iginiit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga driver ng jeepney sa Metro Manila, Region 3 at 4-A na hindi maaaring maningil ng P10 minimum na pasahe ang mga walang fare matrix o fare guide.

Sinabi ni LTFRB chairman Martin Delgra nagkataon na holiday ng magsimula ang P10 minimum na pasahe sa mga pampasaherong jeepney kaya maraming operator ang hindi nakapag-apply ng bagong fare matrix.

“Nagkataon lang din na holiday kaya yung karamihan ng mga operators ay di yata nakakuha ng fare matrix or fare guides. We’ll just have to appeal to them muna ano na wag muna sila maningil without the fare matrix to avoid those mga kalituhan,” ani Delgra.

Mula sa provisional na P9 ay itinaas ng LTFRB ang pasahe sa P10 ang minimum o unang apat na kilometrong biyahe.

Ngayong araw ay inaasahan naman ang pagdagsa ng mga operator sa LTFRB para kumuha ng fare matrix.

Nauna rito ay inatasan ng Department of Transportation and LTFRB na pag-aralang muli ang inaprubahan nitong dagdag-singil matapos ang sunod-sunod na pagbaba ng presyo ng diesel.

Itinulak din ni Transportation Sec. Art Tugade ang pagkakaroon ng automatic fare adjustment na nakabase sa presyo ng diesel para hindi na kailanganin pang maghain ng petisyon ang mga transport group para itaas at ibaba ang kanilang singil.

Read more...