Kalat na: ASAP magre-reformat dahil kay Regine, ilang singer matatanggal

REGINE VELASQUEZ

Balitang magre-reformat ang ASAP dahil sa paglipat ni Regine Velasquez sa ABS-CBN. May kuwento pang lumabas na maraming regular singers ng musical variety show ang mawawala.

Natural, nabulabog ang mga tagahanga ng mga ito, bakit daw naman kailangan silang mahagip sa tanggalan, samantalang maraming taon na silang napapanood sa ASAP.

Marami tuloy nagdududa na dahil kaya ‘yun sa bagsak na rating ng show nu’ng unang pagge-guest ni Regine? Tinalo sila ng katapat na show, samantalang ang inaasahan ng mas nakararami ay makatutulong si Regine sa rating ng ASAP, na hindi nga nangyari.

Ang pagre-reformat ay natural lang naman lalo na kung ilang taon nang puro ganu’n lang ang naihahain nila sa kanilang mga tagapanood. Ginagawa ‘yun ng lahat ng programa kung kinakailangan na talaga.

Ngayong nasa Dos na si Regine, maaasahang magkakaroon sila ng iba-ibang segments na bago sa mata ng manonood, kailangan nilang gawin ‘yun pero hindi naman nangangahulugang may mga masasagasaan sa kanilang reformat.

Ang dapat lang maalarma sa ganu’ng pagbabago ay ang mga singers na puwede namang isakripisyo dahil hindi sila kagalingan.

Read more...