TULAD ni Alessandra de Rossi ay magpapahinga muna sa teleserye si Rhian Ramos. Mawawala siya sa Pilipinas ng tatlong buwan para mag-aral sa New York, USA.
Dapat sana’y nasa NY na si Rhian ngayon pero dahil nagpalit ng playdate ang bago niyang pelikula na “Kung Paano Siya Nawala” ay kinailangan niyang i-delay ang pag-alis dahil magpo-promote pa siya ng pelikula nila ni JM de Guzman na ipalalabas na sa Nob. 14.
“I need to stay muna and end of November na lang ako aalis,” saad ng aktres.
Sa panayam ng entertainment press kay Rhian sa mediacon ng “Kung Paano Siya Nawala” mula sa TBA Studios ay sinabi niyang gusto niyang i-improve ang craft niya kaya matagal siyang mawawala.
“December, January and February (2019) wala ako rito, yes wala ako sa Christmas and New Year and giginawin akong mag-isa doon. Ipag-pray n’yo ako. Mag-isa talaga ako. Ha-hahaha!” tumawang sabi ng dalaga na loveless ngayon.
Wala sa plano niya ang magkaroon ng karelasyon ngayon kaya sa tukso ng media na baka may makilala siya sa New York, “Eww! My God I hope not talaga, nakakatakot. Ayoko namang ma-in love sa ibang bansa, alam ko namang babalik ako rito, di ba?” katwiran ng dalaga.
Looking forward si Rhian sa pagpunta niya sa New York, “I am excited na matuto ng konting independence kasi I never live alone kahit locally, I’ve always live in our family house, never pa ako naka-experience na kailangan ako mag-laundry para sa sarili ko, kung hindi ako maglilinis, iipisin ang bahay (ko), kung hindi ako nagluto wala akong kakainin.
“So excited kasi I’m going to study comedy (Upright Citizens Brigade Theater or UCB) na honestly nu’ng high school ako, ‘yun talaga ‘yung dream ko. Gusto kong mag-join ng Saturday Night Live ganu’n.
“It’s just so happen na ang daming nangyari tapos nagpunta ako sa drama pero it’s never too late naman to try,” dagdag niya.
Short course lang daw ang kukunin ni Rhian, “Super fast, beginner course is three months and then the intermediate is three months and then the advance is also three months. But I’m just doing two, hanggang intermediate lang ako. Six months totally, pero babalik ako in between also because you have to exit the country after 90 days.”
Bakit kailangang mag-aral ni Rhian ng comedy improv, “Interest ko kasi and I don’t believe that people are ever done learning kasi there’s always something to improve, ako kahit marami na akong nagawang drama never ko pa ring naramdamang magaling ako, I’d still get nervous when there is a big scene. So, there’s always more.”
Samantala, nu’ng ialok kay Rhian ang pelikulang “Kung Paano Siya Nawala”, nag-Google talaga siya tungkol kay JM.
“Hindi ko alam na same person pala ‘yung JM and Juan Miguel, nag-Google talaga ako. Parang may ipinakitang video na old him and then I was shocked at sabi ko sa kanya, ‘sigurado ka bang hindi ka nagra-rap dati? And then inamin niya na nagra-rap siya dati, sabi ko oh my God, ikaw nga ‘yun!’
“Crush ko kasi siya when I was in grade six, kasi I watched him sa Hard Rock Café, may pinuntahan kaming event ng tita ko so do’n ko nakita si JM nagra-rap.
“Tapos nu’ng nalaman niyang crush ko siya hindi siya naniniwala, ginagawa ko lang daw na maging uncomfortable siya, pero honestly mas uncomfortable ako, di ba, kasi nakakahiyang sabihin?
Ha-hahaha!” tumawang kuwento ng aktres.
Ang direktor ng “Kung Paano Siya Nawala” ay si Joel Ruiz, na siya ring nasa likod ng series of Jollibee commercials kaya na-excite raw si Rhian na makatrabaho ang batang direktor. Naniniwala rin daw siya sa ganda ng proyekto kaya pumayag siyang maging co-producer nito. Mapapanood na ang “Kung Paano Siya Nawala” sa Nob. 14 nationwide.