5 militiaman nag-‘sideline’ sa DPWH, nalibing sa landslide

LIMANG militiaman na nagtrabaho sa pagtatayo ng tanggapan ng Department of Public Works and Highways sa Natonin, Mountain Province, ang kabilang sa mga nasawi’t nawala nang tamaan ng landslide ang gusali noong kasagsagan ng bagyong Rosita, ayon sa militar Biyernes.

Sa lima, tatlo na ang kumpirmado nang nasawi, at nakilala bilang sina Leobel Orchilion, Linang Pallichang, at Jonathan Ngilin, sabi ni Capt. Jefferson Somera, tagapagsalita ng Army 5th Infantry Division.

Tumanggi muna ang militar na pangalanan ang dalawa, na nawawala pa matapos matabunan sa gusaling nasa Brgy. Banawel noong Oktubre 30.

Pawang mga miyembro sila ng Civilian Active Auxiliary, na pinangangasiwaan ng Alpha Company ng 77th Infantry Battalion, ani Somera.

Naka-“leave” ang limang militiaman at namasukan bilang trabahador para sa dagdag na kita, ayon kay Lt. Col. Rembert Baylosis, commander ng 77th IB.

“Our [militiamen] only work for 15 days every month, and the remaining days are free for them to earn additional income for their families,” paliwanag ni Baylosis.

Ayon kay Maj. Gen. Perfecto Rimando Jr., commander ng 5th ID, nagpadala na ng mga sundalo para tumulong sa paghahanap sa mga nawawala sa Natonin.

Walo na ang narekober na bangkay sa lugar na kinatirikan ng gusali ng DPWH, aniya.

Kabilang ang mga nasawi doon sa 18 nang kabuuang namatay sa Cordillera dahil sa pananalasa ng bagyong Rosita, sabi naman ni Supt. Pelita Tacio, tagapagsalita ng regional police.

Sampu ang kumpirmadong nasawi sa iba-ibang bahagi ng Mountain Province, pito sa Ifugao, at isa sa Kalinga, habang may 24 pang nawawala sa Mountain Province at isa sa Abra, aniya.

Dalawampu’t dalawa katao pa ang nawawala sa “ground zero” sa Natonin, ani Tacio.

Read more...