UMABOT na sa 61 trak ng basura ang nahakot mula sa Manila North Cemetery at Manila South Cemetery simula bisperas ng All Saints’ Day, ayon sa Manila Department of Public Services (MPDS).
Idinagdag ng MPDS na kabuuang 35 trak ng basura ang nakolekta mula sa Manila North Cemetery samantalang 26 trak ng basura ang nahakot mula sa Manila South Cemetery mula Miyerkules hanggang alas-2 ng hapon noong Biyernes, base sa ulat ng MPDS sa Metro Manila Development Authority (MMDA).
Binatikos ni Edison Nebrija, commander ng Task Force Special Operations ng MMDA, ang tambak na basura na naipon sa mga sementeryo at nanawagan sa publiko na tigilan ang pagkakalat.
“Pakiusap namin na kalat niyo, bitbit niyo’ para po makabawas sa basura sa sementeryo. Maging responsableng indibidwal sa pagtatapon ng ating basura,” sabi ni Nebrija.
“Sana po ma-segregate rin para makatulong sa pagbabawas ng mga basurang itatapon sa mga landfill,” ayon pa kay Nebrija.
Sinabi ni Nebrija na karamihan sa mga nakolektang basura ay mga pinaglagyan ng mga pagkain matapos namang payagan ang mga food stall sa loob ng sementeryo.