Meralco Bolts must win kontra San Miguel Beermen

Mga Laro Sabado (November 3)
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. NLEX vs Rain or Shine
6:45 p.m. San Miguel vs Meralco
Team Standings: Barangay Ginebra (8-2); Magnolia (8-3); Alaska (8-3); Phoenix (7-3); Blackwater (7-3); San Miguel (6-4); NLEX (5-5); TNT (4-6); Meralco (4-6); Rain or Shine (2-8); NorthPort (2-9); Columbian (1-10)

MAKUBRA ang krusyal na ikalimang panalo at mapalakas ang tsansang makapasok sa quarterfinals ang hangad ng Meralco Bolts kontra San Miguel Beermen sa kanilang 2018 PBA Governors’ Cup elimination round game ngayon sa Smart Araneta Coliseum.

Makakaharap ng Bolts, na may three-game winning streak, ang Beermen, na mayroon naman four-game winning run, sa alas-6:45 ng gabi na main game.

Hangad ng Bolts ang ikaapat na diretsong panalo para umangat sa 5-6 kartada sa pagtatapos ng elimination round at asinta nila na magtapos sa ikapitong puwesto kasalo ang NLEX Road Warriors o kaya ay ikawalong puwesto kasama ang TNT KaTropa Texters.

Malaki ang posibilidad na magkaroon ng playoff sa pagitan ng Meralco at TNT para sa ikawalo at huling puwesto sa quarterfinals.

Agad naman makakausad ang Bolts sa quarterfinals kung matatalo nila ang Beermen at mabibigo ang TNT sa laro nito kontra Barangay Ginebra Gin Kings bukas.

Subalit awtomatikong makakalusot sa quarterfinals ang Texters kung mabibigo ang Meralco sa San Miguel Beer at magwawagi sila sa Gin Kings.

Sasandigan ng Bolts sina two-time Governors’ Cup Best Import Allen Durham, Baser Amer, Chris Newsome, Cliff Hodge, Anjo Caram, Reynel Hugnatan at Mike Tolomia.

Nakasungkit na ang San Miguel Beer ng puwesto sa quarterfinal round subalit inaasahan naman na hindi magpapabaya si import Kevin Murphy at ang Beermen na hangad maipagpatuloy ang kanilang momentum patungo sa playoffs.

Maliban kay Murphy, sasandalan ng San Miguel Beer sina Alex Cabagnot, Chris Ross, Arwind Santos, Christian Standhardinger at four-time season Most Valuable Player June Mar Fajardo.

Maaari naman magtapos ang Beermen sa No. 5 o No. 6 spot matapos ang elims.

Sa unang laro dakong alas-4:30 ng hapon ay maghaharap ang NLEX Road Warriors at Rain or Shine Elasto Painters.

Read more...