DAHIL hindi niya nakuha ang gusto niyang posisyon sa gobyerno ay nag-alsa balutan at tatakbo na bilang mayor sa isang kilalang lungsod sa Mindanao itong bida sa ating kwento ngayong araw.
Kung maririnig lamang ng Pangulo ang mga pagyayabang ng ating bida ay malamang ay noon pa niya ito itinakwil kahit na ito ay kanyang diehard na tagasuporta.
Sa mga kwentuhan kasi ay kulang na lang na sabihin ni Sir na sa iisang pinggan lang sila kumakain ng Pangulo.
Kumbaga ay ganun sila ka-close na dalawa, as in sanggang-dikit kung paniniwalaan natin ang ating bida.
Noong nakalipas na halalan ay ibinibida ni Sir na siya raw ang susi kaya namayagpag sa social media ang mga pro-Duterte.
Pero sa totoo lang ay trabaho ito ng maraming tao na pilit niyang
inaangkin bilang kanya daw itong initiative.
Dahil nakatulong sa halalan ay una siyang binigyan ng posisyon bilang miyembro ng board sa isang government owned and controlled corporation (GOCC) pero di rin siya nagtagal dito dahil sa ginawa niyang mga intriga.
Kalaunan ay nabisto na gusto pala niyang gamitin ang pondo ng nasabing GOCC para sa isang PR project na gusto niyang itayo para sa Pangulo pero alam naman ng kanyang mga katribo na gagawa lamang siya ng pera sa nasabing proyekto.
Hindi nagtagal ay inilipat siya sa isang departamento pero hindi pa rin siya ang boss dito dahil isa lamang siya sa sangkatutak na Asec ng nasabing kagawaran.
Kalaunan ay nagpara-ting na siya ng pasabi sa pamahalaan na gusto niyang maging miyembro ng Gabinete pero sadyang maramot sa kanya ang kapalaran dahil dedma sa kanyang request ang Malacanang.
Kaya nagpasya na lamang siya na tapatan ang kandidatura ng isa sa mga kaalyado ng Pangulo sa isang lungsod sa Mindanao.
Ang bida sa ating kwento na gustong maging mayor dahil hindi nabigyan ng Cabinet post ay si Mr. P…as in Pompom.