Postponed muna ang shooting ng “Darna” movie ni Liza Soberano dahil may mga inaayos pa ang bagong direktor nitong si Jerrold Tarog. Wala namang binanggit sa amin kung magre-reshoot sila para totally baguhin ang mga unang nakunan ni direk Erik Matti. Ang balita namin, sa 2019 na raw ito itutuloy.
Ang sigurado na ngayon ay ang pelikula nina Liza at Enrique Gil na ididirek ni Antoinette Jadaone mula sa Black Sheep (Star Cinema) at Project 8 cor San Joaquin Projects na pag-aari ng direktora at ng boyfriend niyang si Direk Dan Villegas. Magsu-shooting na ang magka-loveteam sa huling linggo ng Nobyembre.
Wala kasing ginagawa ngayon si Liza kaya siguro naisip ng Star Cinema na gumawa na lang sila ng pelikula ni Quen tutal last 2017 pa ‘yung huling movie nila na “My Ex And Whys.”
Matagal na palang may script si direk Tonette at nang i-pitch niya ito ay nagustuhan agad para sa LizQuen kaya excited ang direktora dahil pangarap niyang makatrabaho sina Liza at Enrique.
Sa madaling salita, halos kumpleto na ang listahan ni direk Tonette ng mga sikat na loveteam na nakatrabaho niya, sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo na lang ang kulang?
Nakatrabaho na kasi niya sina Angelica Panganiban at JM de Guzman (That Thing Called Tadhana, 2014); Coco Martin at Toni Gonzaga (You’re My Boss, 2015); Piolo Pascual at Sarah Geronimo (The Breakup Playlist, 2015); Joshua Garcia at Julia Barretto (Love You To The Stars And Back, 2017) at sina James Reid at Nadine Lustre (Never Not Love You, 2018).
Going back to LizQuen movie, sa first quarter ng 2019 ito ipalalabas, hindi lang kami sure kung ito ang opening salvo para sa susunod na taon o pang-Valentine’s Day.