APAT katao, kabilang ang isang batang babae, ang naswi habang di bababa sa anim pa ang nasugatan nang masangkot sa aksidente ang isang trailer truck, tricycle, pampasaherong bus, at kotse, sa bahagi ng Maharlika Highway na nasa Sto. Tomas, Batangas, Lunes ng umaga.
Tatlo sa mga nasawi, nakilala bilang sina Rencie Bautista, 33, engineer; Remedios Bautista, 33, assistant bank manager; at 4-anyos na si Zyryn Athena Bautista, ay pawang mga sakay ng isang Toyota Vios sedan, sabi ni Supt. Chitadel Gaoiran, tagapagsalita ng Calabarzon regional police.
Nasawi rin ang driver ng tricycle, na nakilala bilang si Calexto Guzman, 64.
Sugatan ang tatlong pasahero ni Guzman, pati na ang driver ng Bicol Isarog bus na si Florentino Densing, 51, at dalawa sa mga pasahero nito, ani Gaoiran.
Naganap ang insidente sa bahagi ng highway na sakop ng Brgy. San Jose, dakong alas-5:30.
Minamaneho ni Ruel Jarabese, 44, ang trailer truck patungong timog nang masalpok nito ang tricycle, bus, at Vios, na pawang mga bumibiyahe pa-hilaga, ani Gaoiran.
Naitulak ng impact ang bus kaya nahagip pa nito ang kotse, aniya.
Di nasugatan si Jarabese at isinailalim na sa kostudiya ng lokal na pulisya, ani Gaoiran.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.