MAKITID ang mundo kung nakatutok lang sa pera ang ugnayan sa tao. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Ef 2:1-10; Sal 100:1-5; Lc 12:13-21) sa paggunita kay San Juan Pablo II, papa, Lunes sa ika-29 ng linggo ng taon.
Hindi na itinuloy ng mga riders at may-ari ng MC repair shops ang anim na buwan balak na sumali sa party-list election at irehistro ang partidong Motor nang malamang di makalulusot dahil sa “failure to prove track record,” atbp. Binalaan din na mapili (selective) ang Comelec. Kung walang pera, walang mangyayari at idedeklara lamang na panggulo ang Motor.
Sa Metro Manila, napakababa ng tingin ng Comelec sa mga nakamotor. Pero, riders din sina Pangulong Duterte, PNP chief Director General Oscar Albayalde, Sen. Gringo Honasan, Gen. Reynaldo Berroya, Mandaluyong Mayor Benhur Abalos, atbp. Ah, oo nga naman; wala silang ganansiya sa purdoy.
Ang pangunahing adhikain ng Motor, na pangungunahan ng mahihirap na riders at tagapayo’t gabay lang ang mayayamang riders, ay ipagtanggol ang mga riders laban sa harassment checks at paparahin lamang kapag may perceived violations, at hindi imagined violations. Pitong beses akong na-checkpoint, mula Diocese of Cubao hanggang Diocese of Novaliches (senior citizen pa ako).
Matapang ang sindikato sa Comelec. Mas matapang pa kina Inday Sara, Digong, Bong, Mocha, atbp. Handang wasakin ng Comelec ang kasikatan ni Digong dahil ito ang operator ng Smartswitik. Baka makapagpadala ng resulta ng bilangan sa Mayo 12 gayung ang eleksyon ay Mayo 13, tulad noong 2016. Alam ng mga riders na kaya pala isinaksak sa lalamunan ng taumbayan ang Automated Election System ay dahil hindi techie ang populi. At maging si Sara ay di rin techie. Muling “iboboto” ng taumbayan ang LP.
Nagbaba na naman ng tanga ang langit. Sila’y matatagpuan sa tsubibo sa Makati. Mantaking naniwala sila sa zarzuela ni Naybi. Di ko alam kung nakalibre na naman ang mga kumaintarista at biglang nabahala na nag-away daw ang magkapatid. Hindi nag-away ang magkapatid. Iniharang lang ang concrete barriers para hindi makatakbo ang, o sina…. 33 taon na ang mga Naybi. Babawasan pa ba nila ito?
Mainit ang dugo kay Bong Go. Si Go ay panakot at pantaboy ng masisibang ibon sa palayan. Walang senador ang dumudusta kay Go. Walang kongresista ang nagsasabing walang alam si Go. Tsk-tsk-tsk. Talagang di alam ang kaibuturan ni Digong. Bakit nga naman nila sisiraan si Go, bagkus pinupuri pa nga tulad ng maraming papuri sa aklat ng Salmo, gayung alam ni Go na sira na sila, malansa at bugok, sa loob at labas? Kaya nga takot sila kay Go. May isisiwalat si Go hinggil sa baho ng tatlong kolumnista/kumaintarista.
Nababahala ang pulis-Meycauyan sa pagbaha ng shabu sa kanilang lugar. Tahasang sinabi ng isang opisyal na ang shabu ay galing Caloocan, MM. Kapani-paniwala, dahil marami na namang shabu sa North Caloocan. Ang labis na nakababahala, pero di nakapagtataka, ay tahimik ang pulis-North Extension Office at mga purok leader. Mahimbing ang tulog ng mga kap ng barangay. Busog at bastante na sila.
Sa isang bayan sa hilagang Bulacan, may kasunduan ang NPA at hepe ng PNP. Huwag kikilan ng bigas, mga delata, mantika, asukal, yosi, MP Light at gin ang sari-sari stores. Puwede silang makitulog sa bayan na ito pero ang operasyon ay sa kalapit na lalawigan sa hilaga. Ang babait ng NPA sa bayang ito, para di pitasin ng squad ni hepe ang kanilang mga anak at kabit.
UST (Usaping Senior sa Talakayan, Banga 2, Plaridel, Bulacan): Ang senior citizens ay habambuhay na lang aasa sa pensyon? Ito ba ang bayad sa kanilang paghihirap at pagsisikap noon na maging normal na mamamayan para umusad ang gobyerno? Hindi sila nagnakaw kaya’t malinis ang tala ng retiro. Sa mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo, kailangan ba silang magtiis at magdusa?
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-ugnayan sa Sumapang Matanda, Malolos City, Bulacan): Ang arawang mga obrero sa Valenzuela, dating bahagi ng Bulacan na nabigong maibalik ni Komong Sumulong, ay pagod, at nagkakasakit, pag-uwi sa Malolos, pagal sa trabaho, piga sa trapik. Hindi lunas sa pagod ang gobyernong (LGUs) manhid. Lumapit ang lahat ng mabigat ang pasan. Gagaan ang inyong pasanin. Pagninilay sa Mt 11:28 (ang pagod ay pinaghihilom sa haplos ng dasal).
PANALANGIN: Walang puwang sa kasakiman ang kaharian ng Diyos. Papuri, amen. Pagsasadiwa Lc 12:13-21.
MULA sa bayan (0916-5401958): Bakit hindi hinuhuli ang bote-gasolinahan? …1310, GMA Kapuso Village, Tacloban City.