Marian ka-join sa 2018 MMFF entry nina Vice, Dingdong at Richard

MARIAN RIVERA

“SOSYAL!” ‘Yan ang diretsong sagot ni Marian Rivera-Dantes nang tanungin kung magkano ang talent fee niya bilang ambassador ng Reverie by Beautederm na pag-aari ni Ms. Rei Tan.

Ayon kay Mrs. Dantes, “Niligawan po talaga nina Ms. Rei. Isa lang po ang sinasabi ko sa manager ko kapag may gusto akong kunin as endorser.

“Patingin muna ako, gusto kong malaman kung anong quality mayroon sila, puwede ba ito sa akin lalo na ngayon na buntis ako, kung anong ingredients meron ito, anong scents at saan mabibili. Lahat ‘yun tinatanong ko sa kanila.

“Nu’ng naamoy ko at nakita ko organic pa, e, mahilig talaga ako sa mga amoy-amoy na scents na mabango sa kuwarto, sa bahay, sabi ko, parang walang dahilan para hindi ko tanggapin,” pahayag ni Marian.

“Nakakataba ng puso kasi first time magkaroon ng endoser ng home Reverie by Beautederm and behind that nakabuo ulit ako ng isang pamilya kasi ang tagal naming itinago ito at ang daming usap talaga na nagkaroon ng bonding as family.

“Ito ‘yung pinakamaraming bonus sa akin kapag sa isang produkto hindi lang dahil ineendorso at binabayaran ka at the same time, nagiging pamilya sila. Kaya ituturing ko talaga itong Beautederm family na literal pamilya ko sila,” pahayag pa ng aktres.

At siyempre, natanong naman ang Presidente at CEO ng Beautederm kung paano niya napaoo ang malaking artista ng GMA 7.

“Napakasuwerte ko po at ipinakilala ni ate Shyr (Valdez) sa akin si Marian, noong ginagawa nila ‘yung Supermom. Si Yanyan, pinadalhan ko siya ng mga air freshener tapos ginagamit naman po niya at doon po nag-umpisa,” kuwento ni Mrs. Tan.

Ayon naman kay Marian kaya niya nagustuhan ang soy candles ay, “Pag binuksan mo umpisa hanggang dulo nauubos siya hindi tulad ng iba na hanggang gitna lang. At literal siyang safe gamitin kahit buntis ka, safe talaga siya. Sa ayaw at gusto ni Ms. Rei, ako po lahat nag-decide niyan, ultimo ‘yung bottle, scents, kulay, ako po ang nagsabi sa kanya na ganitong tema ang gusto ko at lumipad pa siya sa ibang bansa para maghanap ng bottle na gusto ko.

“Gustung-gusto ko ‘yung Lavender scent lalo na sa gabi kasi gusto kong mag-relax, sinisindihan ko siya para ma-relax ako. Kasi di ba, pag buntis ka parang nagsesenti-senti ka, alam mo pagtulog na ‘yung anak ko, nagmu-music ako with matching candle yan. Nakakatulong kasi talaga,” paliwanag pa ng misis ni Dingdong Dantes.

Ang mga produkto ng Beautederm ay gumagamit ng mga natural na sangkap na pinagsama-sama upang makapagbigay ng pinakamabilis at pinakaepektibong resulta na parehong long-term at sustainable.

Isang consistent Superbrands awardee at ilan sa mga flagship brands ng Beautederm ay ang Beautederm Skin Set na mayroong patented soap, day cream, at toner; ang Facial Wash; at ang Origin Senses perfumes for men, na top-selling products sa mercado ngayon.

Ang Reverie by Beautederm Home ay isang exquisite line ng mga home scents – mula sa soy candles hanggang sa mga room at linen sprays na ginawa at sa pakikipagtulungan kay Marian upang mapabango ang bawat tahanan.

Idinagdag din ni Ms. Rei na ang “Reverie” ay laro ng salita sa pagitan ng kanyang pangalan at apelyido ni Marian noong dalaga pa.

Ang Reverie line ng Beautederm Home ay may limang scents: Into The Woods (Bamboo Scent), Smells Like Candy (Cherry Scent), Time To Bloom (Fresh Rose Scent), Something Minty (Eucalyptus Scent) at Rest & Relaxation (Lavender Scent). Lahat ay pawang nilikha mula sa pormulasyon hanggang sa indibidwal na packaging sa very close collaboration kasama si Marian.

Kaya si Marian ang napiling maging ambassador ng bagong produkto ng BD ay dahil sa track record nito bilang mahusay na aktres, top-product endorser at hindi nawawalan ng project sa GMA, kabilang na nga riyan ang weekly musical variety show na Sunday PinaSaya.

Samantala, kinumpirma ni Marian na may special participation siya sa 2018 Metro Manila Film Festival entry na “Fantastica” ni Vice Ganda kasama ang asawang si Dingdong at Richard Gutierrez. Ito ang dahilan kung bakit present siya sa last shooting day ng pelikula.

“Sorry, hindi ko pa alam kung pwede sabihin, hindi ko alam kung pwede. Nag-guest pero hindi ko alam kung pwede sabihin, hindi ko alam e baka pagalitan ako,” ang tila nadulas na pahayag ng aktres.

Read more...