NASAWI ang isang dating alkalde ng Milaor, Camarines Sur, habang sugatan ang kasalukuyang vice mayor, isang konsehal, at body guard nang maaksidente ang sinakyan nilang sports utility vehicle sa bayan ng Ragay, Lunes ng madaling-araw.
Binawian ng buhay si dating Mayor Andre Hidalgo habang nilulunasan sa Mother Seton Hospital ng Naga City, sabi ni Chief Insp. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol regional police.
Sugatan naman si Vice Mayor Senan Bermas, Councilor Roberto cano, at bodyguard na si Vicente Claro, habang pinalad na di nasaktan ang driver na si Noel Mariquit.
Naganap ang insidente sa bahagi ng Andaya Highway na sakop ng Brgy. F. Simeon, dakong ala-1:30.
Bumibiyahe noon sina Hidalgo mula Maynila patungong Milaor lulan ng Toyota Fortuner.
Biglang lumipat sa kabilang lane ang sasakyan, rumampa sa steel barrier, at nahulog sa mababaw na bangin sa gilid, ayon kay Calubaquib.
Agad itinakbo ang mga sakay ng SUV sa Ragay District Hospital, ngunit kinailangang ilipat sa ibang pagamutan.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na basa’t madulas ang kalsada nang maganap ang insidente, ani Calubaquib.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.