ISANG linggo pa lang nang maitalaga si Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo ay naglabas na ang kanyang opisina ng isang denial kaugnay ng naging pahayag sa fare hike at klaripikasyon kaugnay ng sinabi sa panukalang mandatory drug test sa mga kumakandidato.
Dahil nagsisimula pa lamang siya asahan na natin ang ganitong istilo.
Sa isyu ng P10 minimum fare sa jeepney, P13 minimum fare sa airconditioned buses at P11 sa ordinary buses, malinaw naman ang naging pahayag ni Panelo at lahat naman ng kanyang sinabi sa kanyang briefing ay tamang iniulat at kabilang sa kanyang direktang sinabi ay “Eh, we really have to take the brunt, sa ngayon”, at “The increase is only P10”.
Kahit nagbigay ng karagdagang pahayag si Panelo na inaasahan ng pamahalaan na ito ay pansamantala lamang, mas mabuti siguro kung hindi na lamang niya sinabi ang naunang mga direct quote dahil ito ang tumatatak sa publiko.
Bukod pa rito, napaka bad timing ng nangyaring pag-apruba ng LTFRB sa fare hike gayong sunod-sunod at hindi mapigilan ang pagtaas ng mga bilihin.
May pahayag pa ang Palasyo na unti-unti nang bumababa ang presyo ng ibang pangunahing bilihin, na
taliwas sa nangyayari.
Hindi ba’t nitong nakaraang mga araw lamang ay kinumpirma ng DTI na tumaas na ang mga noche buena products ilang buwan bago mag-Pasko at inaasahan na lalo pang tataas ang mga ito.
Kasabay ng isyu ng minimum fare, naglabas din ng klaripikasyon si Panelo matapos namang sabihin na tutol ang Palasyo sa mandatory drug test sa mga kumakandidato dahil ito ay paglabag sa itinatadhana ng Konstitusyon.
Imbes kasi naging tagapagsalita ng Pangulo, nagmukha tuloy tagapagtanggol si Panelo ng mga kandidato kayat agad kumambiyo sa naging pahayag.
Sa kanyang pahayag noong Biyernes, sinabi ni Panelo na, “Mandatory drug testing for Senate and House of Representatives candidates is violative of the Constitution as it adds another qualification outside of that enumerated by the Constitution. The same principle applied to local candidates as it also adds to the qualifications imposed by law. Voluntary drug testing is a favourable process”.
Samantala, nagbigay siya ng bagong pahayag kahapon at sinabing, “The Palace wishes to clarify that it does not dismiss in toto PDEA’s proposal to conduct mandatory drug testing of political aspirants for next year’s elections. In fact, we recognize it as part of PDEA’s intention to educate the public by making them well-informed in casting their votes”.
Hindi pa pormal na iniuupo si Panelo bilang Press Secretary matapos naman ang planong ibalik ang dating setup noong panahon ni dating pangulo at ngayon ay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at iba pang pangulong nauna sa kanya, nagbibilang na ng denial at clarification statements si Panelo.
Kung ganito ang magiging istilo niya, asahan na nating patikim pa lamang ito ng kanyang pagiging opisyal na tagapagsalita ng presidente.