Abalang-abala na ngayon si Lotlot de Leon sa paghahanda sa nalalapit niyang pagpapakasal sa banyagang matagal na niyang karelasyon. Halos kumpleto na raw ang mga detalye ayon sa aming kausap.
Ang tanong ngayon ng bayan ay kung darating ba ang kinikilala niyang inang si Nora Aunor dahil bahagi ng kanyang pagpapakasal si Christopher de Leon?
Halos dekada na ang binibilang ng hindi nila pagkakasundo ng Superstar, malalim nga yatang masyado ang kanilang pinagkadeperensiyahan, kaya walang kahit sinong namagitan sa kanila ang nagtagumpay sa pagpapabati sa kanilang mag-ina.
Komento ng aming source, “Maiintindihan naman natin ang side ni Lotlot. Para naman sa mommy niya ang point na ipinaglalaban niya. Pero hindi ‘yun tanggap ni Guy.
“Ang feeling kasi ng mommy niya, e, minamanduhan na siya ni Lotlot, parang gusto nang kontrolin ni Lotlot ang buhay niya. Magkaiba kasi sila ng pananaw,” sabi nito.
Si John Rendez ang nakapalaman sa problema ng mag-ina maging ng iba pang mga anak ng Superstar.
Walang may gusto sa rapper para sa aktres.
Patuloy ng aming kausap, “Minsan na kasing kinausap ni Guy ang mga anak niya. Isa lang ang hiling sa kanya ng mga bata para mabuo ang family nila, ang hiwalayan na niya si John.
“Pero mukhang hindi talaga kayang pabayaan ni Nora si John, habambuhay na yata niyang pangako na anuman ang mangyari, sila pa rin ang magkasama,” konklusyon ng aming source.