NAPAKARAMING pamamaraan ang Pinoy, gagawin ang lahat kahit pa ilegal, makamit lamang ang bawat naisin.
Kaya nga maabilidad kung tagurian sila.
Totoong totoo ito pagdating sa isyu ng kanilang mga pasaporte.
Noon, kahit menor de edad ay puwedeng makalusot, gagamit lamang sila ng tinatawag na mga baklas na pasaporte.
Kahit ibang pangalan, basta mukha nila ang gagamiting litrato sa naturang passport, lulusot na iyon.
Mayroong illegal recruiter na tatlo pa nga ang kanyang pasaporte. Siyempre gamit niya ang iba’t-ibang pangalan pero mukha niya ang gamit na litrato sa tatlong pasaporte.
Kaya kapag marami nang reklamo laban sa kaniya at hinahanting na siya ng mga otoridad, lalabas na siya ng bansa gamit ang ibang pangalan.
Magpapalamig lamang ito gayong patong patong na ang arrest warrant sa tunay niyang pangalan.
Pero paano pa nga ba nakalulusot ngayon ang mga menor de edad? Kamakailan lamang, anim na pawang mga kabataan ang nahuli sa Saudi Arabia dahil nakapag-abroad sila at nakakuha ng trabaho doon sa kabila ng murang mga edad at ilegal na nakapuslit ng bansa.
Alam naman natin kung gaano na kahigpit ang pag-iisyu ng mga pasaporte ngayon. Ayon nga sa Department of Foreign Affairs (DFA), may natatanging security features ang ating mga passport ngayon na matatagpuan sa chip sa likod nito.
Bukod pa sa bukod-tanging mga fingerprints, na iisang tao lamang ang nagtataglay noon, wala itong katulad na iba pa.
Kaya nga lamang, dahil sa sobrang galing ng Pinoy, minsan kahit hindi na tama, gagawin talaga nila ang lahat. Lantaran na nilang ginagawa iyon.
Nang nagsisimula pa lamang noon ang Bantay OCW, 21 taon na ang nakararaan, ito ang kanilang modus operandi.
Dati rati, magtutungo sila sa mga sementeryo sa malalayong mga probinsiya at naghahanap ng mga nangamatay na hindi naman nagkakalayo sa kanilang mga edad.
Kukunin nila ang buong pangalan, petsa ng kapanganakan nito at saka nila e-aaply ng kopya ng birth certificate.
Kapag nakakuha na, iyon naman ang gagamitin nila upang makapag-apply ng kanilang mga pasaporte.
Magpapagawa sila ng mga supporting documents bilang patunay na sila nga ang nagtataglay ng pangalang iyon.
Malabo nang mangyari pa ito ngayon.
Wala nang baklas. Ano na kaya ang bagong estilo ngayon?
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com