Presyo ng shabu bumaba

ALAM n’yo ba na tatlong magkakasunod na araw na tinamaan ang jackpot prize ng lotto?

Kung susuwertihin ka nga naman.

Noong Oktubre 12 ay tinamaan ng dalawang mananaya ang P72.786 milyon. Hati sila sa premyo na babawasan ng 20 porsyentong buwis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion.

Noong Oktubre 13 ay nasolo naman ang P83.564 milyong jackpot prize ng Lotto 6/42.

Tapos Oktubre 14 ay tinamaan na ang inaabangan ng lahat. Dalawa ang nanalo ng P1,180,622,508 bilyong jackpot prize ng Ultra Lotto 6/58. Ito na ang pinakamalaking jackpot prize sa kasaysayan ng lotto sa bansa.

Ang 20 porsyentong buwis na ibabawas dito ay P236,124,501.60 at ang matitira ay P944,498,006.40 o sila ay tig-P472,249,003.20.

Siguro sila ay kabilang sa top individual taxpayer ngayong 2018. Biruin n’yo ang ibinayad nila ay tig-P118,062,250.80. At walang kahirap-hirap ang gobyerno na kolektahin ang buwis na ito dahil kaltas agad.

Sa mga hindi naman sinuwerte, huwag nang masama ang loob nyo. Isipin n’yo na lang ang bahagi ng perang ibinayad n’yo ay itutulong sa mga mahihirap na pasyente.

 

Nakakabahala ang pahayag ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Ayon sa PDEA, maraming suplay ng ipinagbabawal na gamot sa Metro Manila kaya bumaba ang presyo nito.

Makabibili na ang isang gramo ng shabu sa halagang P1,600 hanggang P2,000.

Malayo ito sa P6,800 na presyo noong kasagsagan ng drug war ni Pangulong Duterte.

Duda ng PDEA, dumami ang suplay matapos na makalabas ng Bureau of Customs ang mga magnetic lifter na umaabot umano sa P6.8 bilyon ang nakatagong shabu.

Matatandaan na noon ay may napabalita ring nakapasok na P6.4 bilyong halaga ng shabu na itinago sa mga kitchen ware at nakalabas ng BoC.

Kaya pala marami pa ring suplay ng shabu sa bansa kahit na wala na tayong nababalitaan na nago-operate na shabu factory, imported na ang shabu at ang masakit ay sa BoC ito dumadaan.

Say naman ng isang miron, buti pa raw ang shabu bumaba ang presyo, samantalang ang presyo ng pagkain pamahal ng pamahal. Tapos nagbabadya pang tumaas ang pamasahe na mukhang hindi na maiiwasan dahil sa taas ng presyo ng produktong petrolyo.

Read more...