Relasyon sa BF na may bisyo dapat pa bang ituloy?

ATENG,

Good day po sa inyo. Sana po mabigyan ninyo ako ng payo tungkol sa lovelife ko.

Single mother po ako pero may BF po ako sa ngayon. Ang problema ko po ay ayaw sa kanya ng angkan ko dahil may bisyo po siya.

Inaaya na po niya ako na magsama kami at nangako siyang titigil na siya sa kanyang pagbibisyo.

Nakikita ko naman po na mahal niya kami ng anak ko. Kaya lang natatakot po ako. Paano kung hindi siya magbago? Sana po mabigyan ninyo ako ng payo. Salamat po.

Miss Worried

Hello Miss Worried!

Ang problema sa bisyo, ate, ay hindi ito parang ilaw pwedeng i-switch off.

Ang bisyo ay accumulated habit na ginagawa ng isang tao at hindi maititigil nang agad-agad gaya na lang ng paninigarilyo, sugal o pag-iinom, pagsa-shabu, pambababae/panlalalaki, o pagsisinungaling o pangungupit.

Ang bisyo ay kasanayan ng isang tao na gawin ito araw-araw at posibleng hindi na rin maititigil pa.

Kumbaga, pumasok na ito sa kanyang sistema.

Ang unang hakbang para maitigil ang bisyo ay aminin na may bisyo ka at gustuhin na unti-unti, dahan-dahang mabago iyon. Hindi iyon pwedeng pagdesisyunan na bukas ititigil ko na ang bisyo ko at sa susunod na araw, wala na yun.

Ang bisyo ay sinisimulang itigil ngayon, itinutuloy bukas at kapag nasilat, inuulit-ulit ang pagtigil.

In short kung sinasabi sa yo ni boypren na ititigil nya na ang bisyo niya pag nagsama kayo, ibig sabihin nun ay papasukin mo ang buhay impyerno araw-araw.

Ibig sabihin, ikaw ang mag-aalaga sa kanya habang nag wi-withdrawal sya sa bisyo nya (di mo naman binanggit kung ano, kaya for the sake of this counseling, gagamitin natin ang bisyo ng paninigarilyo).

Kung kelan kayo magsasama at doon pa lang siya titigil ng paninigarilyo, ibig sabihin, ikaw ang mag-aalaga sa kanya araw-araw habang sumasakit ang ulo niya sa kawalan ng regular na supply ng nicotine, mag iintindi kapag iritable sya, magpapainom ng gamot kapag inubo pa siya at lumabas sa x-ray na may tama ang baga niya. Gets mo? (Wag naman sanang bisyo sa shabu, yan! Dahil kung shabu yan, teh, ngayon pa lang, layas na!)

Imbes na anak mo lang ang intindihin mo, mag-aalaga ka pa ng isang tao na pwede naman sanang itigil na ang bisyo kung gusto nya talaga.

Hindi ko alam ang kwento mo bakit ka naging single mother, gusto kong I -assume na naghiwalay kayo ng tatay ng anak mo, at dahil doon naitaguyod mo naman ang anak mo, di ba?

Ang nasa likod mo, kahit mukhang mga kontrabida, ay ang angkan mo. Sila ang katulong at katuwang mo noong nagsisimula ka pa lang maging single mother. Sila ang sumalo at nagtyaga sa yo, hanggang sa maging ok ka, tama? So ibig sabihin, hindi sila kaaway.

Bakit hindi mo pakinggan ang sinasabi nila tungkol sa ikinatatakot mo? Sana natuto ka na mula sa nagdaan mong relasyon. Natuto ka ng maging malakas at matapang. Na hindi lang pagmamahal ang kailangan para sa ikatatagal ng pagsasama. May respeto rin dapat sa sarili, sa relasyon at sa ka-partner. Kapag sinimulan sa takot, o pagdududa, baka hindi na dapat ituloy.

Read more...