Inaprubahan ng House Committee on Games and Amusements ang panukalang ipagbawal at gawing krimen ang live streaming at broadcasting ng sabong para magamit sa pustahan.
Ang Anti-Live Streaming and Broadcasting of Cockfighting bill (House bill 7528) ay akda ANAC-IP Rep. Jose Panganiban.
Hindi tumutol ang Department of Information and Communications Technology sa panukala.
Ayon kay DICT Legal Officer Atty. Chad Martin Moscoso nakikipag-ugnayan sila sa mga tagapagpatupad ng batas, National Telecommunication Commission upang harangin ang signal ng live streaming ng sabong.
Ipinauubaya naman ni Games and Amusements Board Commissioner Edward Trinidad sa komite ang panukala dahil mayroong nakabinbing kaso sa pagitan ng GAB at Manila Cockers Club Inc.
Umaasa naman si Trinidad na maisasama ang GAB sa mga ahensya ng gobyerno na magmo-monitor sa mga sabungan sa bansa. Ang mga international cockfighting events sa bansa ay saklaw ng GAB.
Sa ilalim ng panukala, kung ang lalabag ay isang presenter o exhibitor ng live stream cockfighting, siya ay maaaring makulong ng dalawa hanggang limang taon at pagmultahin ng P500,000 hanggang P1 milyon.
Kung ang lumabag ay internet service provider o website operator, ang parusa ay 15-20 taong pagkakakulong at multang hindi bababa sa P1 milyon.
Kung ang lalabag ay operator o may-ari ng istasyon ng radyo o telebisyon o promoter ng live broadcast of cockfighting, ang parusa ay 20-30 taong pagkakakulong at P2 milyon hanggang P5 milyong multa.