Mga Laro sa Miyerkules (Oct. 10)
(Cuneta Astrodome)
4:30 p.m. NLEX vs Phoenix
7 p.m. Blackwater vs Magnolia
IPINAMALAS ng Blackwater Elite ang katatagan sa krusyal na bahagi ng laro para mapigilan ang Rain or Shine Elasto Painters at itakas 99-93 pagwawagi sa kanilang 2018 PBA Governors’ Cup game Linggo sa Sta. Rosa Multi-Purpose Complex sa Sta. Rosa City, Laguna.
Napag-iwanan ng tatlong puntos, 30-27, sa pagtatapos ng unang yugto, biglang rumagasa ang Elite sa ikalawang yugto sa paghulog ng 20-9 bomba para itayo ang walong puntos na bentahe sa halftime break, 47-39.
“We were really focused on getting the sixth win today and I’m happy that my players achieved it. They really want to get that. We controlled the game,” sabi ni Blackwater coach Bong Ramos.
Subalit kinailangan naman magpamalas ng katatagan ng Elite sa huling yugto ng laro matapos na magsagawa ng ratsada ng Elasto Painters. Sinandigan ng Blackwater sa ikaapat na yugto si Nards Pinto na naghulog ng mga krusyal na 3-pointers sa huling bahagi ng laban para mauwi ang ikaanim na panalo sa pitong laro.
Nagtapos si Pinto na may 16 puntos kabilang ang 3-pointer may 15 segundo sa laro para ibigay sa Blackwater ang limang puntos na abante, 97-92.
Si Blackwater import Henry Walker ay nakagawa ng triple-double sa itinalang 14 puntos, 14 rebound at 12 assist para sa Blackwater. Nagdagdag si Mike DiGregorio ng team-high 17 puntos habang sina Allein Maliksi at Paul Zamar ng 13 at 11 puntos para sa Elite.
Nanguna si Maverick Ahanmisi para sa Rain or Shine sa ginawang 25 puntos habang si Terrence Watson ay nag-ambag ng 17 puntos at 14 rebounds para sa Elasto Painters, na nanatiling walang panalo sa hawak nitong 0-4 kartada.