INILAMPASO ng Ateneo de Manila University Blue Eagles ang De La Salle University Green Archers, 71-55, sa kanilang unang paghaharap matapos ang duwelo sa Finals noong isang taon sa kanilang UAAP Season 81 men’s basketball game Sabado sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Bunga ng panalo, umangat ang Blue Eagles sa 5-1 record, na kalahating laro sa likod ng nangungunang Adamson University Soaring Falcons na hawak ang 5-0 kartada.
Nahulog naman ang Green Archers sa 3-3 karta subalit napanatili nila ang kapit sa ikaapat na puwesto.
Gumawa si Angelo Kouame ng 20 puntos, 13 rebound at limang blocks para pamunuan ang Ateneo habang si Anton Asistio ay nagdagdag ng 12 puntos. Si Thirdy Ravena nag-ambag naman ng siyam na puntos at anim na assist para sa Blue Eagles.
Binuhat ni Aljun Melecio ang La Salle sa itinalang 21 puntos at pitong rebound.
Sa unang laro, tinambakan ng University of Santo Tomas Tigers ang University of the East Red Warriors, 80-66.
Pinamunuan ni Renzo Subido ang Growling Tigers sa kinamadang 22 puntos habang si CJ Cansino ay nagtapos na may double-double sa ginawang 17 puntos at 17 rebound.
Nagtala naman si Alvin Pasaol ng 32 puntos at 15 rebound para sa Red Warriors na nahulog sa 1-5 karta.