Suspek sa Ecija priest slay dakip sa buy-bust

NAARESTO ng mga pulis ang isang suspek sa pagpatay kay Fr. Richmond Nilo ng Nueva Ecija, nang magsagawa ng buy-bust operation sa Maddela, Quirino, Biyernes ng gabi.

Nadakip si Bernie Limpio, 36, residente ng Arayat, Pampanga, sabi ni Chief Supt. Jose Mario Espino, direktor ng Cagayan Valley regional police.

Isinagawa ng mga miyembro ng Quirino Provincial Intelligence Branch at Maddela Police ang operasyon sa bahagi ng National Highway na sakop ng Brgy. Sta. Maria, dakong alas-6.

Dinampot si Limpio matapos niyang magbenta ng sachet ng hinihinalang shabu kay PO3 Ryan Juliana, na nagpanggap bilang buyer, ani Espino.

Nakuha ng mga operatiba kay Limpio ang P1,000 papel na ginamit bilang buy-bust money at dalawa pang sachet ng hinihinalang shabu, aniya.

May nakabinbing warrant of arrest laban kay Limpio para sa kasong murder. Nag-ugat ang kaso sa pagpatay kay Fr. Nilo, na pinagbabaril habang naghahanda para sa misa sa loob ng kapilya ng Brgy. Mayamot, Zaragoza, Nueva Ecija, noong Hunyo 10.

Hinahandaan na si Limpio ng hiwalay na kaso para sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Law, ani Espino. 

Read more...