NALASAP ng Philippine men’s team ang 1-3 loss sa Vietnam habang nakaranas din ang PH women’s squad ng parehong 1-3 pagkatalo sa Australia sa pagtatapos ng 43rd Chess Olympiad na ginanap sa Sports Place sa Batumi, Georgia, Biyernes ng gabi.
Itinala ni International Master Jan Emmanuel Garcia (Elo 2439) ang nag-iisang panalo ng PH men’s team sa 66 moves na pagwawagi kay Grandmaster Tuan Minh Tran (2491) sa English Opening sa board three habang sina GM Julio Catalino Sadorra (2553), GM John Paul Gomez (2464) at IM Haridas Pascua (2435) ay yumuko kina GM Le Quang Liem (2715), GMNguyen Ngoc Truong Son (2620) at IM Nguyen Anh Koi (2463)sa board one, two at four, ayon sa pagkakasunod.
Ang kabiguan sa Vietnam ay naglaglag sa PH men’s team sa ika-37 puwesto sa nalikom na 14 match points at nalagpasan nila ang ika-58 puwesto na pagtatapos sa 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan dalawang taon na ang nakalilipas.
Sa women’s play, nauwi lamang sa tabla ang laban nina Woman International Master Marie Antoinette San Diego (2102) at WIM Bernadette Galas (2080) sa board three at four, ayon sa pagkakasunod kontra kina Woman Fide Master Nguyen Thu Giang (2134) at IM Irina Berezina (2112) subalit ang kanilang pagsisikap ay hindi nagawang salbahin ang Pilipinas mula sa pagkatalo sa Australia.
Ito ay matapos matalo sina Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna (2287) at WFM Shania Mae Mendoza (2113) kina WGM Julia Ryjanova (2330) at WGM Jilin Zhang (2224) sa board one at two .
Ang mga Pinay chessers ay nahulog sa ika-67 puwesto sa natipong 11 match points at nabigong mahigitan ang kanilang ika-34 puwesto na pagtatapos sa 42nd World Chess Olympiad.
Naging konsolasyon naman para sa PH women’s team ang pagsubi ng WIM norm/result ni Mendoza sa torneo.