3 detainee dedo sa mga selda sa Cavite

TATLONG detainee ang nasawi, dahil umano sa problema sa paghinga, sa mga selda ng pulisya sa Cavite, nito lang Biyernes.

Pinakahuling nasawi si Cesar Macuha, 54, nakaditine sa Imus City Police Custodial Center, ayon sa ulat ng Cavite provincial police.

Tinawag ng mga detainee ang duty jailor dahil nahirapan umanong huminga si Macuha, na nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Child Abuse Law, dakong alas-10 ng gabi Biyernes.

Itinakbo pa siya sa Our Lady of the Pillar Hospital, ngunit idineklarang patay alas-10:43 ng gabi ring iyon.

Bago iyon, dakong alas-7:30, unang tinawag ng mga detainee ang jailor dahil dumanas ng problema sa paghinga si Arnel Vequilla, na nakapiit din sa Imus City Police Custodial Center para sa umano’y paglabag sa Anti-Child Abuse Law.

Itinakbo siya sa Imus Medical Center, ngunit binawian ng buhay alas-7:45.

Pasado alas-12 ng madaling-araw naman noon ding Huwebes, dumanas rin umano ng problema sa paghinga, na may kaakibat na pananakit ng dibdib, si Arnel Santos, detainee sa Bacoor City Custodial Center.

Ang 42-anyos na si Santos ay nakaditine sa naturang pasilidad para sa kasong physical injury and grave threat.

Dinala siya sa Las Pinas General Hospital, ngunit binawian ng buhay habang nilulunasan, pasado alas-6 ng umaga. 

Read more...