105-day maternity leave hindi dapat maging diskriminasyon sa mga babae

INAASAHANG magiging ganap na batas na ang 105-day maternity leave with pay matapos naman maratipikahan kapwa ng Senado at Kamara ang panukalang batas.

Pirma na lamang ni Pangulong Duterte ang kailangan para tuluyan itong maging Republic Act at maipatupad.

Nangangahulugan ito na mula sa 60 araw, maaari nang mag-maternity leave ang mga buntis na mga empleyado ng 105 araw mula sa kasalukuyang 60 araw lamang ng may bayad.

Sa kabila naman nito, may mga employer nang nagbabala na posibleng magdulot ito ng diskriminasyon sa mga babae na nag-aaplay ng trabaho.

Napakababaw na dahilan nito kung saka-sakali dahil kwalipikasyon at kakayahan dapat ng aplikante ang laging batayan ng mga employer sa pagkuha ng kanilang mga manggagawa hindi dahil kung babae o lalaki ito, maliban na lamang siyempre kung ang trabaho ay para talaga sa mga kalalakihan.

May babala rin ang Social Security System (SSS) na magdudulot ito ng pagtaas muli sa kontribusyon ng mga miyembro nito sakaling ganap nang ipatupad ang panukala.

Hindi ba’t kailan lamang ipinatupad ng SSS ang karagdagang singil sa kontribusyon dahil naman sa pagtaas ng pensyon ng mga retiradong miyembro.

Bago pa man maaprubahan sa Kongreso, tiyak kong dumaan naman ang panukala sa hiwalay na pagdinig ng Senado at Kamara at sigurado namang kabilang sa kinonsulta ay ang mga employer at ang pamanuan ng sSSS.

Hindi dapat isabay ng SSS ang bantang pagtataas bg kontribusyon dahil lamang sa dagdag na benepisyo para sa mga buntis na miyembro nito.

Hindi na kakayanin pa ng mga manggagawa na mabawasan ang kanilang takehome pay sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kung tutuusin napakaiksi pa nga ng tatlong buwan para makarekober ang mga nanay sa kanilang panganganak.

Kayat hindi kataka-taka na batay sa datos, 11 nanay kada araw o 4,500 kada taon ang namamatay sa Pilipinas dahil hindi nabibigyan ng sapat na atensyon ang kanilang kalusugan.

Sinasabing karaniwanag sanhi ng pagkamatay ng mga bagong panganak ang severe hemorrhage, hypertensive disorders, sepsis at problema sa kalusugan na resulta ng pagli-labor at aborsyon.

Dapat ay sumunod ang lahat ng employer sakaling maisabatas na ang panukala at tigilan na ang mga pagbabanta.

Read more...