Warden di umubra sa tauhan

CEBU CITY—Binaril at napatay ang jail warden ng kanyang tauhan sa gitna ng pagtatalo sa  Toledo City kahapon ng hapon.
Agad namang sumuko sa otoridad si Jail Officer 3 Donald Isidore Ramas at inamin na nabaril niya ang kanyang amo na si
Insp. Anacleto Dusaran, jail warden ng Toledo City jail na matatagpuan sa Brgy. Landahan.

Ayon kay SPO4 Carmelito Hornales, Toledo police station desk officer, isinurender din ni  Ramas ang kanyang 9mm pistola, na ginamit sa pamamaril kay Dusaran.

Sa kanyang salaysay, sinabi ni Ramas na nagpunta siya sa opisina ni Dusaran pasado ala-1 ng hapon upang magpaalam na uuwi.

Nagalit umano si Dusaran at hindi pinayagan si Ramas kaya nauwi ito sa mainitang pagtatalo.Sa gitna ng sagutan ay binunot ng suspek ang kanyang service firearm at pinutukan ang amo.

Sinabi ni Hornales, ilang jail guards ang nagtungo sa nasabing presinto at kinumpirma na idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima. —Jhunnex Napallacan, Inquirer

Read more...